MANILA, Philippines- Ibinasura ng Office of the Ombudsman ang reklamo laban kay dating Cagayan de Oro City mayor Oscar Moreno kaugnay ng umano’y maling paghawak sa cash assistance noong COVID-19 pandemic.
Isinampa nina City Councilors James Judith at Malvern Esparcia ang kaso.
Sa walong pahinang desisyon ng Ombudsman, nabigo ang complainants na maglabas ng matitibay na ebidensya para patunayan na nagkaroon ng anomalya sa pamimigay ng financial aid.
Magugunita na namigay ang Department of Social Welfare and Development-Northern Mindanao (DSWD-10) ng mahigit P750 million sa mga lokal na pamahalaan para ipamigay bilang tulong pinansyal sa kasagsagan ng pandemya.
Iginiit ng mga complainant na hindi naman sapat ang natanggap na assistance ng mga benepisyaryo.
Kabilang sa respondent sa kaso ay sina dating City Social Welfare and Development Office (CSWDO) chief Teddy Sabuga-a at dating CSWDO overseer Mike Fabello. Teresa Tavares