Home NATIONWIDE Special session sa pagtalakay ng ‘unfinished’ legislative matters inihirit ni Pimentel

Special session sa pagtalakay ng ‘unfinished’ legislative matters inihirit ni Pimentel

MANILA, Philippines- Inihirit ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III nitong Biyernes na magpatawag ng special session si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso upang talakayin ng ilang “unfinished” legislative matters sa gitna ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

“It’s up to the President. But a special session of Congress can definitely help address the unfinished legislative matters,” ayon kay Pimentel sa mensahe sa reporters.

Sinabi pa ni Pimentel na kailangan ang special session na magiging makabuluhan kung pag-uusapan ni Marcos ang nakabinbing panukalang batas tulad ng judiciary fiscal autonomy, tax on e-vape, government rightsizing, chief state counsel, animal welfare, kabilang ang pagsasapinal ng bicameral report sa e-government bill, at pagrebyu sa bicameral report sa capital markets reform.

“Para magka-bicam na yung iba and/or maayos na ang final versions,” giit ni Pimentel.

Sakaling matalakay ng Kongreso ang nakabinbing panukalang batas, maaaring kumilos ang Senado sa impeachment laban kay Duterte.

“Tapos [pwede] na i-tackle ng Senate ang pag-convene nito as an impeachment court dahil isasama na ito sa business of the special session (on the part of the Senate),” ani Pimentel.

“Once formally convened magkakaroon na ng sariling trial calendar ang impeachment court. Tuloy-tuloy na ito from day to day kahit mag-adjourn pa ang special session,” paliwanag pa niya.

Sakaling hindi matapos ng 19th Congress ang impeachment laban kay Duterte, maaari itong ituloy sa 20th Congress, aniya pa.

Nagbakasyon ang Senado nitong Pebrero 5 nang hindi tinalakay ang verified impeachment complaints na inendorso ng House of Representatives ng naturang araw.

Naunang sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na maaaring tumawag si Pangulong Marcos ng special session, pero kailangang para ito sa pagsasabatas ng nakabinbing panukala.

Maaring talakayin ang impeachment complaint kung papayagan ng senador. Ernie Reyes