Home NATIONWIDE ‘Task Force Baklas’ balak ng Comelec

‘Task Force Baklas’ balak ng Comelec

MANILA, Philippines- Plano ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na lumikha ng “Task Force Baklas” na layong lansagin ang non-biodegradable campaign materials para sa 2025 elections.

Sinabi ni Garcia na ang task force ay hindi dapat limitado sa pagtanggal sa campaign posters ng mga hindi tamang sukat at sa mga ipinaskil sa mga maling lugar.

Tinutukoy ni Garcia ang Committee on Environmentally Sustainable Elections na kauna-unahang inilunsad noong Biyernes.

Nakasaad sa Comelec Resolution No. 11111 na ang Comelec en banc “approved the creation of the Committee on Environmentally Sustainable Elections, tasked with studying and proposing measures to minimize the environmental impact of election-related activities, such as campaign rallies sorties, and the production, use, and eventual disposal of campaign materials.”

Sabi ni Garcia, plano niyang italaga si Comelec Director Frances Arabe na siyang manguna sa national campaign ng task force na pagsabayin ang lahat ng tanggapan ng poll body.

Sinabi rin ni Garcia na hindi magdadalawang-isip ang Comelec na idiskwalipika ang mga kandidatong hindi susunod sa rules and regulations na itinakda ng komite para matiyak ang environmentally-friendly campaign.

Binanggit niya na ang hakbang ng Comelec na isulong ang sustainable elections ay magpapakita sa mga kandidato sa darating na halalan, kasama na ang 2028 elections, kung paano sila dapat kumilos ayon sa ahente.

Idinagdag nito na maaaring magsampa ng mga reklamo sa Comelec Law Department, mga kinauukulang local government units o ahensya, para sa paglabag sa mga batas tulad ng, ngunit hindi limitado sa, Republic Act (R.A) No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000; R.A No. 9729 o ang Climate Change Act of 2009; R.A. 8749 o ang Philippine Clean Air Act of 1999; o R.A 3571. Jocelyn Tabangcura-Domenden