MANILA, Philippines – Hinamon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla si dating House Speaker Lord Allan Velasco na umuwi sa Pilipinas at harapin ang alegasyon ng multi-bilyong pisong cash delivery ng kanyang dating security aide.
Umalis ng bansa si Velasco ilang araw matapos salakayin ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Agosto 24 ang ilang property sa Valle Verde, Pasig City na iniuugnay sa kanya.
Ayon sa NBI, dapat ay nakabalik na sa bansa sina Velasco at kanyang asawa noong Setyembre 14, ngunit wala pa itong rekord na nakabalik na ang mag-asawa. Ang kumpirmadong rekord ng ahensya ay ang kanilang pag-alis ng bansa.
“They are in Niseko, Japan. That’s the information that we have,” ani Remulla. Aniya, may bahay ang mag-asawa sa Niseko, na kilala bilang isang mamahaling vacation destination sa Japan.
Iginiit ni Remulla na dapat nang umuwi ang mag-asawa dahil patuloy na sumasailalim sa lie detector test si dating pulis Rodulfo Gracioso kaugnay ng alegasyon nitong naghatid siya ng pera sa ilang personalidad mula sa kampo ng dating House speaker.
Kinilala ni Remulla na may kontrobersyal na rekord si Gracioso at na-dismiss ito sa serbisyo, ngunit sinabi niyang maaari pa rin itong magsabi ng totoo.
“But even a broken clock is correct twice a day,” ani Remulla.
Ayon pa kay Remulla, nakapagtala si Gracioso ng mataas na resulta sa polygraph test ng NBI, kabilang ang 98 porsiyentong indikasyon na nagsasabi siya ng katotohanan nang tanungin tungkol sa paghahatid ng mga bag at sa kanyang relasyon sa mga taong kanyang binanggit.
“The other day he took a polygraph test at the NBI, 98 percent he was telling the truth. When asked if he delivered bags, the polygraph said he was telling the truth. When asked about his relationship, the polygraph said he was telling the truth,” ani Remulla.
Gayunman, nilinaw ni Remulla na hindi tinatanggap bilang ebidensya sa korte ang polygraph test. Hinamon pa rin niya ang mag-asawang Velasco na sumailalim sa parehong pagsusuri upang mapagkumpara ang kanilang mga pahayag.
“But the polygraph is not admissible in court. Still, I dare the Velasco couple to come and take the same polygraph so we can see who is really telling the truth,” dagdag niya. RNT/MDS