MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng Senado sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na nagbabawal sa mga menor de edad o sa mga wala pang 18 taong gulang na gumamit ng social media.
Naipasa nitong Miyerkules ng gabi ang Senate Bill No. 2424 o Child Online Safety and Protection Act na inisponsor ni Sen. Robinhood Padilla.
Layunin ng panukala na protektahan ang mga bata mula sa pisikal, mental at social na pinsala na maaaring idulot ng mga social media platform.
Sa ilalim ng panukala, itinuturing na age-restricted social media platforms ang anumang electronic service na pangunahing layunin ay magpadali ng online social interaction at nagpapahintulot sa mga user na mag-post ng content na maaaring makita ng iba.
Obligado ang mga platform na ito na tiyaking hindi makakagawa o makakagamit ng account ang sinumang wala pang 18 taong gulang.
Kailangan din nilang maglagay ng sistema para sa tamang pag-verify ng edad ng mga user at magbigay ng parental safety tools para sa mga menor de edad.
Sasakupin din ng batas ang mga international na social media platform. Kailangan nilang magtalaga ng kinatawan sa Pilipinas at makipagtulungan sa mga awtoridad ng bansa para ipatupad ang panukala.
Hindi naman kasama sa sakop ng pagbabawal ang mga email platform, private messaging services, online gaming na hindi pangunahing ginagamit para sa social networking, mga educational platform, news services, at professional collaboration tools.
Kapag naisabatas na, ang Department of Information and Communications Technology o DICT ang mangangasiwa sa pagpapatupad.
Kabilang sa gagampanan ng DICT ang pag-assess ng compliance, pagtanggap ng reklamo, pagsisiyasat, pagmumulta, at pag-update ng age assurance standards.
Binigyang-diin din sa panukala na nasa mga magulang ang “primary responsibility” sa pagsunod ng kanilang mga anak.
Ang mga magulang na sadyang tutulong o papayagan ang pag-iwas sa pagbabawal ay maaaring pagmultahin ng hanggang P50,000, o maaaring pag-utosang mag-community service at dumalo sa digital parenting at child safety programs.
Mas mabigat naman ang parusa sa mga digital service provider at sa DICT. Maaaring pagmultahin ng P5 milyon hanggang P20 milyon ang mga digital service sa bawat paglabag, dagdag pa ang P100,000 kada araw na hindi sila sumusunod sa batas.
Ang DICT naman ay maaaring pagmultahin ng hindi bababa sa P5 milyon at hanggang P20 milyon sa bawat paglabag.
Binibigyan din ang DICT ng kapangyarihan na maghain ng petisyon para ipagbawal ang operasyon ng mga digital service sa bansa kung hindi nila susundin ang minimum age requirement, age verification mechanism, at kung hindi nila aaksyunan ang harmful content.
Naghihintay na lamang ang panukala ng pag-apruba sa ikatlong pagbasa bago ito i-reconcile sa bersyon ng Kamara sa pamamagitan ng bicameral conference committee.
Sa bersyon ng House of Representatives, ganap na ipinagbabawal ang social media sa mga batang wala pang 13 taong gulang, habang may restriksyon naman para sa mga edad 13 hanggang 18.
Kapag na-ratify na ng Kongreso ang pinag-isang bersyon ng panukala, ipapadala ito kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para pirmahan at ganap nang maging batas. Ernie Reyes