MANILA, Philippines – Hinamon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla si dating Presidential Spokesperson Harry Roque na bumalik sa bansa para harapin ang kinakaharap na kaso sa halip na humiling ng asylum sa The Netherlands.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Remulla na bilang isang abogado, dapat magpakatotoo bilang Pilipino si Roque at sumunod sa batas dahil wala pa namang nangyayari pero tumatakas na umano ito sa mga kasong isinampa laban sa kanya.
Sinabi rin ni Remulla na ‘irrelevant’ ang pakikialam ni Roque sa isyu ng pagkakaaresto sa dating pangulo.
‘Wala siyang kinalaman dito. Wala siyang bilang’, pahayag ng SOJ.
Ang pahayag ng kalihim ay matapos sabihin ni Roque na hihilingin nito sa Netherlands na mabigyan siya ng asylum upang madepensahan ang dating pangulong Duterte sa paniniwalang ‘kidnapping’ ang nangyari sa pagkakakaaresto sa kanya.
Nahaharap sa kasong human trafficking si Roque kaugnay sa operasyon ng illegal na POGO hub sa Porac, Pampanga.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)