Home NATIONWIDE Remulla, makikipagpulong sa TBS sa Cavite

Remulla, makikipagpulong sa TBS sa Cavite

1
0

MANILA, Philippines – Plano ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na makipagpulong sa mga miyembro ng True Brown Style (TBS) community-based group sa Cavite sa susunod na linggo.

“Meron na. Actually, I will start sa Cavite next week. Kakausapin ko yung mga TBS dyan. I will lay out my policy. They are rational individuals. Tingin ko naman madadaan natin sa usapan. Pero kung makukulit talaga sila, eh di pasensyahan kami,” ani Remulla.

Ayon kay Remulla, nakikipag-ugnayan na rin ang ilang miyembro ng TBS sa mga awtoridad para sa posibleng dayalogo. Maaari pa umanong maging produktibong bahagi ng lipunan ang mga miyembro kung handa silang magbago.

Gayunman, sinabi ni Remulla na magpapatuloy ang operasyon ng pamahalaan laban sa mga miyembro ng TBS na sangkot umano sa ilegal na aktibidad.

Labintatlong miyembro ng TBS ang kamakailan lamang naaresto kaugnay ng iba’t ibang kaso, kabilang ang droga, ilegal na pag-iingat ng armas at pagnanakaw.

Binanggit din ni Remulla ang mass rally sa Mendiola noong Setyembre 21, kung saan 90 katao ang naaresto. Ayon sa kanya, 55 sa mga ito ang nakilalang miyembro ng TBS.

Samantala, nanawagan ang TBS Worldwide na huwag lahatin ang kanilang mga miyembro bilang mga kriminal.

“HUWAG LAHATIN. Hindi lahat ng may TBS sa pangalan, kulay, o affiliation ay kriminal. Hindi lahat ng TBS members pare-pareho ang ginagawa,” ayon sa grupo.

Nagmula ang TBS sa California, Estados Unidos at nakarating sa Pilipinas may 25 taon na ang nakalilipas. Ayon kay Remulla, mayroon na itong mga miyembro sa humigit-kumulang 78 lalawigan sa bansa.

Nauna nang sinabi ni Remulla na iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga awtoridad na buwagin ang organisasyon dahil sa mga kasong iniuugnay dito. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here