Home TOP STORIES Rent payment freeze sa commercial units, isinusulong para maibsan epekto ng oil...

Rent payment freeze sa commercial units, isinusulong para maibsan epekto ng oil price hike

115
0

MANILA, Philippines – Inihain ni Navotas Representative Toby Tiangco ang isang panukala na naglalayong magpatupad ng agarang tulong-ekonomiya, kabilang ang pansamantalang pag-freeze sa renta ng residential at commercial units, upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.

Sa ilalim ng House Bill No. 8715, layunin nitong patatagin ang pamilihan at protektahan ang mga mahihinang sektor sa pamamagitan ng pagpigil sa pagtaas ng renta para sa mga kabahayan at micro, small, and medium enterprises (MSMEs), pagpapahintulot ng deferment sa housing loan payments nang walang multa, pagbibigay ng emergency loans mula sa SSS at GSIS, at pagdedeklara ng moratorium sa accrual ng interes sa mga pautang ng gobyerno.

“Sa panahon ng krisis, kailangan ang agarang aksyon. Responsibilidad ng pamahalaan na gawin ang lahat ng makakaya nito para maibsan ang hirap na ating pinagdadaanan,” ayon kay Tiangco.

Binanggit ng mambabatas na higit sa 90 porsyento ng suplay ng langis ng bansa ay inaangkat mula sa Middle East, kaya lubhang bulnerable ang Pilipinas sa global oil shocks sa gitna ng patuloy na tensyon sa rehiyon at sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

“Grounded on data from the Philippine Statistics Authority (PSA) and the Department of Energy (DOE), the proposed interventions are designed to help temper inflationary pressures, projected to exceed four percent (4%), while providing regulatory clarity and enforceability through the appropriate government agencies,” dagdag niya.

Ayon kay Tiangco, kabilang sa pinaka-apektado ng krisis ang MSMEs na bumubuo sa 99.6% ng mga negosyo sa bansa.

Pinahihintulutan din ng panukala ang mga ahensya ng gobyerno at kanilang mga subsidiary na makipagsosyo sa registered transport providers upang magbigay ng libreng pampublikong transportasyon sa panahon ng national o local emergencies.

Ipinag-uutos din nito sa Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Energy (DOE), katuwang ang iba pang ahensya, na panatilihing makatwiran ang presyo ng produktong petrolyo, pangunahing bilihin, utilities, at serbisyong telekomunikasyon sa pamamagitan ng pagpigil sa hindi makatarungang pagtaas ng presyo, pagpapataw o rekomendasyon ng price ceilings, pagsugpo sa hoarding at profiteering, at pagpapatupad ng mga hakbang tulad ng price justification, subsidies, o buffer stocking.

“It is our job to protect vulnerable sectors from the adverse effects of sudden fuel price hikes. To this end, it is imperative that we provide immediate relief, while ensuring fiscal sustainability and equitable burden-sharing,” aniya.

Iginiit ni Tiangco na pansamantala lamang ang mga hakbang at mananatili hanggang anim na buwan mula sa bisa nito, o hanggang ma-certify ng Pangulo na ang pambansang average na presyo ng gasolina at diesel ay bumaba sa ilalim ng P60 kada litro, alinman ang mauna. Jojo Rabulan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here