MANILA, Philippines – Inirekomenda ng Philippine Army (PA) nitong Martes ang pagtanggal kay Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga mula sa Reserve Force matapos niyang hikayatin ang mga sundalo at reservistang sumama sa anti-corruption rallies noong Setyembre 21.
Ayon kay PA spokesperson Col. Louie Dema-ala, nilabag ni Barzaga ang Republic Act 7077 at mga regulasyon ng AFP dahil sa paggawa ng “seditious statements” online habang nakasuot ng uniporme ng AFP.
“His statements clearly violated the AFP rules, as determined by the internal investigation of the Reserve Command,” aniya.
Binigyang-diin ni Dema-ala na hindi pinapayagan ng Army ang anumang aksyon na sumisira sa integridad ng militar at nilinaw na limitado lamang sa pagiging reservist ang desisyon, at walang epekto sa karapatan ni Barzaga bilang sibilyan o mambabatas. Siya ay may ranggong private sa Reserve Force.
Nagbabala rin ang militar laban sa mga indibidwal na nag-uudyok ng rebelyon.
“For sure, we will not take this sitting down,” ayon kay Philippine Navy Inspector General Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, na tumukoy sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon para himukin ang publiko na kumalaban sa gobyerno. Santi Celario