MANILA, Philippines – Iaakyat nina ACT Teachers Party List Representative France Castro at dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo sa Court of Appeals para ipawalang-bisa ang desisyon ng Tagum City, Davao del Norte Regional Trial Court na hinatulan sila at labing-isang iba pa dahil sa paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Matatandaan na sila ay hinatulan ng pagkakulong ng apat hanggang anim na taon at inutusang magbayad ng magkasanib at magkakahiwalay ng kabuuang 20,000 piso bilang moral at civil damages sa bawat isa sa 14 na menor de edad na sangkot.
Sa kanyang desisyon, sinabi ni Acting Presiding Judge Jimmy Boco na ang prosekusyon ay nakakita ng ebidensya ‘beyond reasonable doubt’ na ang mga akusado ay nakagawa ng mga gawaing nakapipinsala sa kaligtasan at kapakanan ng mga menor de edad na Lumad na mag-aaral nang ihatid nila sila mula sa kanilang paaralan sa Talaingod, Davao del Norte noong Nobyembre 2018 nang humigit-kumulang tatlong oras sa isang liblib, madilim, at hindi secure na kalsada, nang walang tulong ng mga alagad ng batas, anumang ahensya ng gobyerno at nakasulat na pahintulot mula sa mga magulang ng mga menor de edad.
Ito aniya ay naglantad sa mga bata sa panganib na mabaril ng alinman sa tropa ng gobyerno o ng New People’s Army, makagat ng ahas, o mahulog sa bangin.
Sa kabilang banda, pinanindigan ni Castro na isa itong rescue mission, bunsod ng isang tawag na kanilang natanggap mula sa mga guro na noon ay diumano’y hina-harass ng isang paramilitary group.
Sinabi ni Ocampo na ang kanilang mga bail bond ay nananatiling naaangkop sa panahon ng apela.
“Kung mabalitaan ninyo na aarestuhin kami, wala silang basehan. There is no warrant of arrest issued. Malaya kami. At ang kalayaang ito ang gagmitin namin sa paglaban sa kasong ito at sa paglaban sa karapatan ng mga katutubo,” aniya sa isang press conference nitong Martes.
“Ginamit ko ‘yung aking kapangyarihan para matulungan sa bingit ng mapanganib na pangyayari ‘yung ating mga guro at mag-aaral. Ang ating panawagan sa korte, mag-aappeal kami na mabaligtad itong sitwasyon na ito at tingnan ang mga pangyayari bago itong mga nangyayaring pagsasara ng eskwelahan na nagbunsod sa paglisan ng mga teachers and students,” dagdag pa ni Castro.
Samantala, naniniwala naman si dating ACT Teachers Party List Representative Antonio Tinio na hindi nagkataon lang na inilabas ang desisyon ng RTC matapos ipahayag ng Makabayan Coalition na maglalagay ito ng buong Senate slate sa darating na midterm elections.
Si Castro ay kabilang sa tatakbong senador ng koalisyon. RNT