MANILA, Philippines – Maaaring ginagamit si Cavite Rep. Kiko Barzaga ng ilang grupo para sa kanilang makasariling “political agenda,” ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Biyernes, sabay pagpahayag ng simpatiya sa ina ng mambabatas na si Dasmariñas City Mayor Jenny Barzaga.
Ani Lacson, bagaman nai-post ng nakababatang Barzaga ang isang lumang litrato ni Lacson kasama ang mag-asawang Discaya noong Oktubre 1, hindi niya ito magagawa kung walang nagbigay sa kanya ng naturang larawan.
“I feel for our dear friend, Mayor Jenny Barzaga. As the mayor of Dasmariñas City, she must have her hands full serving her constituents. The last thing she needs is the evil-mindedness of people who use her son Kiko’s mental state to advance their self-seeking political agenda,” ani Lacson sa isang post sa X.
Nauna nang pinabulaanan ni Lacson ang mga parinig ukol sa larawan kasama ang mag-asawang Discaya, at sinabing kuha ito noong panahon ng kampanya, bago pa magsimula ang imbestigasyon ukol sa mga kuwestiyonableng flood control projects.
Isang supporter mula sa Davao City ang sumama sa mga Discaya upang imbitahin siya sa isang political rally. Tinanggihan ni Lacson ang imbitasyon.
“As the saying goes, a picture paints a thousand words. Obviously, I didn’t know them before that photo was taken,” ani Lacson.
Dagdag ni Lacson, malamang na ang pag-post ng larawan ay may layong siraan ang Senate Blue Ribbon Committee na siyang nag-iimbestiga sa naturang usapin. Si Lacson ang namumuno sa komite.
Sa panayam sa DZMM nitong Huwebes, binigyang-diin ni Lacson ang malisya sa likod ng pag-post ng larawan sa social media account ni Barzaga.
“Ginamit nila si Kiko Barzaga, siya ang nag-post pero paano malaman ni Kiko Barzaga kung walang nag-feed sa kanya na malisyoso o malisyosa?” aniya. Ernie Reyes