MANILA, Philippines – Submitted na sa Panel of Prosecutors sa Department of Justice (DOJ) ang mga report ng imbestigasyon mula sa National Bureau of Investigation at Philippine National Police kaugnay sa nangyaring kaguluhan sa loob ng Senado noong nakaraang linggo.
Kinumpirma ito ngayong araw, Mayo 20, 2026 ni Justice Secretary Fredderick Vida kung saan pagsasamahin at susuriin aniya ng special panel na binuo ng DOJ ang mga ebidensya mula sa dalawang ahensya upang matukoy kung sino-sino ang mga may pananagutan sa insidente.
Personal na isinumite ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr. ang comprehensive report sa Malacanang kahapon, kabilang ang video footages, testimonya ng mga saksi, at mga sinumpaang salaysay.
Kasama rin sa isinumiteng ulat ang detalyadong timeline ng mga pangyayari bago naganap hanggang sa natapos ang putukan, hanggang sa madaling araw ng Mayo 14 kung saan umalis sa Senado si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa at sinasabing kasama si Senador Robin Padilla.
Sinabi ni Vida na ‘compelling’ o kapani-paniwala ang laman ng mga ulat lalo na ang mga recording at kabuuan ng insidente na nagsasalarawan sa mga nangyari.
Saklaw ng imbestigasyon ang kabuuang pangyayari mula Mayo 11 hanggang Mayo 14, kabilang ang detalye ng pagpapaputok ng baril, posibleng pagkukulang sa koordinasyon ng seguridad, at ang paraan ng pag-alis ni Dela Rosa mula sa kustodiya ng Senado. Jocelyn Tabangcura-Domenden