Home NATIONWIDE Resbak ng ibang bansa vs ‘trespass’ rule kinokonsidera rin ng Tsina –...

Resbak ng ibang bansa vs ‘trespass’ rule kinokonsidera rin ng Tsina – eksperto

MANILA, Philippines – HINDI magiging makatuwiran para sa Tsina na “fully commit” na ipatupad ang anti-trespassing rule nito sa West Philippine Sea (WPS) dahil makaaapekto ito sa public standing ng Beijing at makasasakit sa ekonomiya nito.

Binigyan kasi ng kapangyarihan ng Tsina ang sarili nitong Coast Guard para i-detain ng hanggang 60 araw ng walang paglilitis ang sinumang foreign trespassers na daraan sa inaangkin nitong borders, kabilang na rito iyong mga nago-overlap sa West Philippine Sea (WPS) na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Napaulat na naging epektibo ang unilateral rule ng Tsina noong Hunyo 15.

Tinuran ni Political analyst Dr. Froilan Calilung na magdadalawang-isip ang Tsina na ipatupad ang self-imposed maritime rule nito dahil maaari itong magresulta ng “massive international condemnation” na maaaring makaapekto sa imahe at ekonomiya nito (Tsina).

“I firmly believe that China, though medyo alam naman natin may pagka-bully talaga itong bansa na ito, naniniwala ako na mayroon pa rin siyang international image,” ayon kay Calilung sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing.

“Mayroon siyang international image that’s somehow she’s also trying to protect not only from a political and military standpoint but more importantly from economic perspective,” dagdag na pahayag nito.

Gayunman, inamin ni Calilung na may “chilling effect” ang naging deklarasyon ng Tsina sa mga Filipinong mangingisda sa WPS.

“Hindi ma-iaalis ang takot at pangamba, and right now, I think, many of our fishermen are already feeling it,” aniya pa rin.

Kaya nga, sinabi ni Calilung na mahalaga para sa Pilipinas na ipagpatuloy ang “confidence building measures” nito, tinukoy ang patrol operations ng Philippine Air Force at Philippine Coast Guard. Kris Jose