Home NATIONWIDE Rice retailers maaaring malugi ng P40K kada linggo sa rice price cap

Rice retailers maaaring malugi ng P40K kada linggo sa rice price cap

MANILA, Philippines- Posibleng malugi ang local grain retailers ng hanggang P40,000 kada linggo kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagpapataw ng price cap sa bigas.

Sinabi ni Frederic Dy, Grains Retailers Confederation of the Philippines Inc. Eastern Visayas president, na dismayado ang retailers sa Tacloban feel sa pagtatakda ng price ceiling para sa regular milled rice sa P41 kada kilo at well-milled rice sa P45 kada kilo. 

“Bumili sila ng mahal na ibebenta nila ng palugi,” aniya sa isang panayam.

Paglalahad niya, nagsara na lamang ang ilang retailers sa takot na malugi.

Aniya, sa P2,450 kada kaban ng bigas, gumagasto ang retailers ng P49 kada kilo ng bigas.

Kapag ibinenta ito sa halagang P45 kada kilo, nangangahulugan ito ng P4 kada kilong pagkalugi. “Paano na ‘yung cellophane, ‘yung upa ng pwesto, ‘yung manpower?” tanong niya.

Matatandaang sinabi ng Department of Social Welfare and Development na magbibigay ito ng hanggang P15,000 tulong sa local grain retailers na malulugi dahil sa price cap. 

Subalit, sinabi ni Dy na maaaring malugi ng P6,000 kada araw ang retailers sa minimum na 20 sakong naibebenta kada araw.

“Sa isang linggo, ang lugi mo P40,000 plus. Gaano tatagal ang isang retailer sa ganoong lugi?” giit niya.

Aniya pa, pinoprotektahan ng executive order ang importers habang ang retailers ang nasasapul nito. RNT/SA