Home NATIONWIDE Ride-hailing app driver nangholdap ng dayuhan, timbog!

Ride-hailing app driver nangholdap ng dayuhan, timbog!

MANILA, Philippines – Hinoldap ang isang dayuhan ng kanyang sinakyang isang ride-hailing app driver sa San Juan City.

Kinilala ng San Juan Police ang dayuhan na isang Dominican Republic national na nagpa-book ng masasakyan mula Quezon City hanggang Makati City. 

Pagdating umano ng rider at ng biktima sa San Juan bigla umanong nagpalit ng ruta ang driver. 

“Along the way, nagtataka yung mga victim. Bakit iba ang dinaanan nila? Pagdating sa Barcelona Street ng barangay Maytunas, duon na nagdeklara ng holdap ang suspek,” ani Police Colonel Francis Reglos, hepe ng San Juan Police. 

“Kinuha nung suspek ang jacket ng biktima, bag at cellphone. Iniwan yung biktima, at tuluyang tumakas ang suspek,” ani Reglos. 

Iniulat ng dayuhan ang insidente sa mga awtoridad. Nakuha niya ang screenshot ng mukha ng driver at iba pang personal na detalye kaya natunton ng pulisya ang bahay ng suspek.

Narekober ang lahat ng ninakaw, at naaresto rin ang live-in partner ng suspek na umano’y nagtago ng mga ebidensya. 

Ang kotseng ginamit ng suspek sa krimen ay isinuko na ng may-ari nito na siya ring operator. 

Samantala, pinaalalahanan naman ng mga awtoridad ang publiko na mag-ingat lalo na sa mga gumagamit ng ride-hailing applications. RNT