MANILA, Philippines – Ayon kay Bicol Saro Rep. Terry Ridon, may bagong ebidensya na isasama sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte, kabilang ang umano’y hindi idineklarang mga baril na aabot sa humigit-kumulang 30 piraso.
Sa panayam, sinabi ni Ridon na ang mga “short at long firearms” ay posibleng nagkakahalaga ng milyon-milyong piso, ngunit hindi umano ito naisama sa Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng Bise Presidente.
“We will get the list from the PNP Firearms Division on each and every firearm that is registered in the name of the vice president and her husband,” sabi ni Ridon.
Dagdag niya, “All of the firearms were never declared in any SALN, in any year.”
Ayon kay Ridon, kukuha sila ng ekspertong pagtatasa para matukoy ang tunay na halaga ng mga armas. Aniya, maaaring indikasyon din ito ng posibleng iba pang hindi naideklarang ari-arian.
“If you have a stash of at least 30 firearms… it is not far-fetched that there may also be unregulated properties not listed in the vice president’s SALN,” dagdag niya.
Sinabi rin niya na seryosong usapin ang hindi pagdeklara ng mga regulated na ari-arian tulad ng baril sa SALN, lalo na kung ito ay inaakusahang bahagi ng mas malawak na isyu ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
Patuloy pa rin ang impeachment proceedings laban kay Duterte sa Senado kaugnay ng alegasyon ng katiwalian, paglabag sa Konstitusyon, at iba pang paratang na isinampa ng House of Representatives. RNT/MND