Home NATIONWIDE Ridon nagpasalamat kay PBBM sa pagsuspinde ng impounding ng e-trikes, e-bikes

Ridon nagpasalamat kay PBBM sa pagsuspinde ng impounding ng e-trikes, e-bikes

213
0

MANILA, Philippines – Nagpasalamat si Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagsuspinde ng nakatakdang impoundment ng e-trikes at e-bikes na ipatutupad ng Land Transportation Office (LTO) ngayong Lunes, Dec. 1.

Nagpasalamat din siya kay LTO Chairman Markus Lacanilao sa desisyon na itigil ang operasyon, matapos ang matinding pagtutol ni Ridon sa paliwanag ng opisyal ng transportasyon para sa impoundment.

Ayon kay Ridon, mahalagang hakbang ang suspensiyon upang mabigyan ng pagkakataon ang mga gumagamit ng light electric vehicles (LEVs) na makapaghanda sa pagpapatupad ng mga bagong patakaran at umiiral na regulasyon ng gobyerno.

Sinabi rin ni Ridon na hindi maaaring gamitin ng LTO ang implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act No. 11697 o Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA) bilang legal na batayan para sa impoundment ng e-trikes at e-bikes.

“Malinaw sa batas at IRR ng EVIDA na mali ang ganitong hakbang,” ani Ridon. Ayon sa kanya, malinaw na exempted ang LEVs sa LTO registration.

Ipinaliwanag niya: “Nagbibigay ang batas ng blanket exemption para sa mga LEVs tulad ng e-trikes at e-bikes mula sa pagrerehistro sa Department of Transportation (DOTr) at mga ahensya nito tulad ng LTO. Dahil dito, hindi naaangkop sa LEVs ang land transportation law o RA No. 4136, kahit na gumagamit sila ng pampublikong kalsada.”

Dagdag pa niya, “Kung hindi naaangkop ang RA 4136 sa LEVs, hindi rin naaangkop ang mga parusa nito, kasama ang impounding.”

Binigyang-diin ni Ridon na ang isang IRR lamang ay hindi pwedeng baguhin o limitahan ang batas na ipinatupad ng Kongreso. “Ang blanket exemption na ibinigay ng Kongreso para sa private-use LEVs ay hindi maaaring bawasan ng implementing agencies sa pamamagitan ng karagdagang requirements na wala sa batas.”

Aniya, sa bahagi ng Kongreso, makikipagtulungan sila sa mga ahensya ng transportasyon at lahat ng apektadong sektor upang linawin at pasimplehin ang proseso ng registration at licensing ng mga LEVs at ng kanilang mga gumagamit. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here