MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ng mga opisyal ng House prosecution panel na may kinalaman ang naganap na balasahan sa mga liderato ng komite sa Kamara sa naging botohan para sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Lanao del Sur Rep at Assistant Majority Leader Zia Adiong, na tumatayong tagapagsalita ng prosecution panel, hindi dapat awtomatikong iugnay ang pagpapalit ng mga committee chairmanships sa naging boto ng mga mambabatas dahil ang mga pwestong ito ay nakalaan kada partidong pulitikal at regular na nagbabago.
“The committee chairmanship, it’s allocated per party. Per party yan eh. So hindi naman pag nalagay ka dyan is forever ka na dyan. Kasi at any given time, membership can actually change in every committee,” paliwanag ni Adiong.
Inihayag ito ni Adiong kasunod ng mga espekulasyon na sinibak sa kanilang mga pwesto ang ilang mambabatas bilang parusa sa pagboto laban sa impeachment ng bise presidente, na nakakuha ng landslide na 257 boto sa Kamara.
“Nagkaroon lang ata kasi ng issue ng impeachment, that’s why many are trying to associate that changes in the committee chairmanship of the result that came out during the voting,” dagdag pa ni Adiong.
Sinegundahan naman ito ni House trial spokesperson at Kabataan Party-list Rep. Renee Co, aniya, walang basehan ang mga kumakalat na ulat.
“Mayroon pong iilang nagkaroon ng pagbabago sa membership ng kanilang committees at may ilang nakita tayo na-assign in leadership. Mas yun pa ang nangyari, hindi po ito connected sa doon pagboto o hindi sa particular na issue,” ani Co na isa din sa spokesperson ng House impeachment prosecution panel.
Idinagdag ni Co na mas makabubuting ang mga mismong kongresista na apektado ng rigodon ang tanungin hinggil sa kanilang mga bagong takdang tungkulin.
Samantala, pinatulan din ni Adiong ang mga hinala na nakabase lamang sa personal na “satisfaction” ng liderato ng Kamara ang kinalabasan ng impeachment. Giit niya, sagradong tungkulin sa ilalim ng Saligang Batas ang ginawa ng mababang kapulungan.
“Whether they’re satisfied or not, again, the issue is whether the House of Representatives will stand by the Constitution or whether the House of Representatives give in to pressures. And what we have proven last week with 257 votes across the country, if you do mapping, even in Mindanao, there’s a substantial number of district representatives who have voted in favor of the impeachment,” ani Adiong.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang naging botohan ay patunay na nanaig ang tungkulin sa bansa kaysa sa personal na pulitika.
“It’s not really satisfaction. It’s how we fulfill our duty to the Constitution because this is no longer personality-based discussion. This is about the Constitution speaking,” pagtatapos ni Adiong. Gail Mendoza