BULACAN, Philippines – Patay ang binansagang “Robinhood” nang pagbabarilin ng hindi nakilalang riding in tandem sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM) noong hapon ng Marso 18.
Sa ulat, kinilala ang biktima na si alyas “Louie” na umanoy isang matulungin sa kapwa lalo na sa kabataan at minsang tinawag na “Robinhood” sa kanilang lugar.
Ayon sa ulat ng SJDM police station, naganap ang insidente bandang 12:54 ng hapon sa kahabaan ng Cariedo St. Brgy. Muzon Proper.
Nabatid na ang driver ng motorsiklo ay naka-black jacket, maong pants, slippers habang ang back-rider ay naka-green jacket, shorts, slippers at kapwa nakasuot ng black helmets lulan ng Yamaha NMAX motorcycle na walang plaka.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, tumapat sa biktimang lulan ng kanyang sasakyang Honda BR-V ang tandem na walang kaabog-abog na pinagbabaril ito at mabilis na tumakas.
Dahil dito, tinamaan sa ibat-ibat parte ng katawan ang biktima kaya sumalpok ang minamanehong sasakyan sa bahagi ng isang drug store.
Agad na dinala ng rumespondeng rescue team ang duguang biktima na umanoy may tama sa dibdib at ulo sa ospital para sa paunang lunas subalit binawian na ito ng buhay.
Sa kasalukyan, patuloy ang follow up operation ng pulisya para mahuli ang mga suspek na kumitil sa umanoy biktimang matulungin sa kapwa, mahusay makisama at minsang binansagang “Robinhood ng Catmon, Malabon”, ayon na rin sa kakilalang netizen. (Dick Mirasol III)