MANILA, Philippines – Muling nanawagan ang pamahalaang bayan ng Puerto Galera sa mga shipping company at Maritime Industry Authority (MARINA) na ibaba ang pamasahe sa mga ferry kasunod ng patuloy na pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa magkakahiwalay na liham, hiniling ni Puerto Galera Mayor Robinhood Ylagan sa Montenegro Shipping Lines, Shogun Ships Co., Inc., at Galerian Water Transport Services na magpatupad ng fare rollback sa rutang Balatero, Puerto Galera–Batangas.
Nanawagan din ang alkalde sa MARINA Franchising Service at Domestic Shipping Service (DSS) na pabilisin ang pagpapatupad ng mas mababang pasahe.
Ayon sa lokal na pamahalaan, bagama’t kinikilala nito ang mga hamon sa operasyon ng mga ferry operator, makatutulong ang makatwirang bawas-pasahe upang mahikayat ang mas maraming pasahero, mapalakas ang turismo at masuportahan ang ekonomiya ng Puerto Galera.
Iginiit din ng mga opisyal na mas maikli ang 17-nautical-mile Puerto Galera–Batangas route kumpara sa 24-nautical-mile Calapan–Batangas route, ngunit mas mababa na ang pamasahe sa huli.
Una nang humiling si Ylagan ng fare rollback noong Pebrero 12, 2026, bago sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng langis at naging dahilan ng pagtataas ng pamasahe ng mga ferry operator.
Nagpasa rin ng resolusyon ang Sangguniang Bayan ng Puerto Galera na humihiling kay MARINA Administrator Sonia Malaluan na repasuhin at higpitan ang pagbabantay sa passenger, private vehicle at cargo rates ng mga barkong bumibiyahe sa rutang Batangas–Puerto Galera.
Ayon kay Vice Mayor Rocky Ilagan, mahalaga ang abot-kayang at maaasahang sea transport sa Puerto Galera dahil nakasalalay dito ang turismo ng bayan.
Aniya, ang Batangas–Puerto Galera na lamang ang pangunahing ruta patungong Mindoro na hindi pa nagpapatupad ng rollback sa pamasahe.
Sa rutang Calapan–Batangas, ibinaba na ng Starlite Ferries ang regular passenger fare sa P680 mula P760, habang naniningil ang Montenegro Shipping Lines ng P624 para sa RoRo passengers at P768 para sa fastcraft passengers. Nagpatupad na rin ito ng fare rollback sa mga biyahe patungong Marinduque at Romblon.
Nagkaroon na rin ng bawas-pasahe sa rutang Abra de Ilog, Occidental Mindoro–Batangas, kung saan P676 ang regular fare ng Montenegro Shipping Lines at P680 naman sa Island Water.
Dalawang beses nang nagtaas ng pamasahe ang mga shipping company mula Marso 2026 dahil sa pagtaas ng presyo ng langis dulot ng sigalot ng US at Iran. Gayunman, inaasahan ang karagdagang fare rollback kung magpapatuloy ang pagbaba ng presyo ng petrolyo. RNT/JGC