MANILA, Philippines – Inaasahan ng Department of Energy (DOE) na magkakaroon ng rollback sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo matapos ang anunsyo ng paunang peace deal sa pagitan ng United States at Iran.
Ayon kay DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, malabo na ang pagtaas ng presyo at posibleng bumaba pa ito dahil sa mga positibong balita sa pandaigdigang oil market. Aniya, “Mukhang malabo na hong tumaas. Bagkus, kung may magagandang balita, may developments ay inaasahan ho natin na magbaba tuloy ‘yung epekto sa price.”
Dagdag pa niya, posibleng bumaba ang presyo ng petrolyo at umabot sa tinatayang P70 hanggang P80 kada litro.
Sa kasalukuyan, ayon sa DOE, ang presyo ng diesel sa Metro Manila ay nasa P74.60 hanggang P93.30 kada litro, habang ang unleaded gasoline ay nasa P72.10 hanggang P93.90 kada litro. Bumaba rin ang world oil prices dahil sa inaasahang muling pagbubukas ng Strait of Hormuz para sa pagbiyahe ng langis.
Gayunman, patuloy pa rin ang DOE sa pagmo-monitor at umaasa na babalik sa dating antas na P50 hanggang P60 kada litro ang presyo ng langis kung magpapatuloy ang magandang supply at kondisyon ng merkado.
“Tuloy pa rin po ang ating pagbantay kung lalala ito. But kung hindi na ho at may 2 months ho o 60 days na sinasabi na compliance period ‘yong US and Iran doon sa mga conditions ng kanilang agreement, pag na-sustain ho ‘yon, mukhang magtutuloy-tuloy na ho tayo na muling maibabalik natin ‘yong level ng price at level ng supply before the crisis,” ayon kay Abad.
Dagdag pa ng DOE, may mga contingency measures din tulad ng karagdagang pagbili ng langis ng Philippine National Oil Company (PNOC) at patuloy na fuel subsidy na P10 para sa mga public utility vehicle drivers.
Ayon sa LTFRB, nasa P103 milyon na ang naipamahagi na fuel subsidy sa mahigit 62,000 driver sa buong bansa hanggang Hunyo 10. RNT/MND