Home NATIONWIDE Imbestigasyon laban korapsyon ‘di sapat; reporma sa sistema, dapat – Remulla

Imbestigasyon laban korapsyon ‘di sapat; reporma sa sistema, dapat – Remulla

4
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na hindi sapat ang imbestigasyon at pag-uusig lamang sa mga sangkot sa korapsyon, at dapat itong samahan ng malawakang reporma sa sistema ng pamahalaan.

Sa kanyang talumpati sa 7th Global Conference on Sustainable Development Goals 16 sa United Nations Headquarters, sinabi ni Remulla na ang korapsyon ay hindi lamang usaping legal dahil pinahihina nito ang mga institusyon, nagpapababa ng tiwala ng mamamayan, at nagdudulot ng pag-aalinlangan sa mga mamumuhunan.

“Corruption is not only a legal problem. When corruption weakens institutions, people lose confidence. Investors hesitate. Communities suffer. Public resources that should create opportunities are wasted,” ani Remulla.

Dagdag pa niya, “We cannot investigate our way out of corruption alone… If we truly want lasting change, we must also ask the more difficult questions. Why did corruption happen? Where did the system fail?”

Ayon sa Ombudsman, mahalagang suriin hindi lamang ang mga taong sangkot kundi pati ang mga sistemang nagbibigay-daan sa korapsyon. Kabilang sa mga hakbang na ginagawa ng kanyang tanggapan ang pagpapalakas ng prevention measures, pagpapabuti ng mga proseso, digital transformation, at pakikipagtulungan sa iba pang ahensya at international institutions.

Binanggit din niya na nakipagpulong siya kay Alexander Gesmundo upang maisama ang Office of the Ombudsman sa Justice Sector Coordinating Council, dahil ang paglaban sa korapsyon ay nangangailangan ng koordinasyon sa buong justice system.

Sa gitna ng imbestigasyon sa kontrobersiya ng flood control projects, sinabi ni Remulla na ang mga ganitong sitwasyon ay maaaring maging pagkakataon para sa reporma.

“The greater responsibility is to build better institutions,” aniya.

Dagdag niya, kung nais ng pamahalaan na pagkatiwalaan ng publiko, kailangan muna nitong patunayan na karapat-dapat ito sa tiwalang iyon sa pamamagitan ng pananagutan at pagpapalakas ng mga institusyon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here