Ibinababa na ng rice retailers sa Kamuning Market sa Quezon City ang mga bagong hatid na P38 Kadiwa ng Pangulo rice sa kanilang mga stall.Ito ay kasunod ng anunsyo ng Department of Agriculture ng pagpapatupad ng Food Security Emergency sa bigas. DANNY QUERUBIN
MANILA, Philippines – IKAKASA na ng Department of Agriculture (DA) sa susunod na linggo ang pagpapalabas ng rice stocks sa local government units (LGUs) kasunod ng deklarasyon ng food security emergency.
”Sa ngayon, maraming LGUs ang nagsignify ng intent but lumalabas kasi sa procedure, may documentation na kailangang gawin. Hopefully matapos lahat ng documentation between FTI, NFA to FTI, FTI to LGU and by next week maro-roll out na hopefully ‘yan,” ang sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa press briefing sa Malakanyang.
At nang tanungin naman kung ilang lokalidad ang nasa listahan, sinabi ni Tiu Laurel na ang bilang ay mahigit sa 50 LGUs.
”It’s all over the country, of course all NCR, ang maguumpisa dito sa Metro Manila, San Juan then Navotas, Iloilo is on the list,” ang sinabi ng Kalihim.
Matatandaang, idineklara ni Tiu Laurel ang food security emergency sa bigas base sa rekumendasyon mula sa National Price Coordinating Council.
Sa pamamagitan ng emergency declaration, pahihintulutan nito ang pagpapalabas ng rice buffer stocks na isinagawa ng National Food Authority (NFA) para maging matatag ang presyo at tiyakin na ang bigas, isang pangunahing pagkain, mananatiling accessible sa mga consumers
Ang stocks ay ipalalabas sa pamamagitan ng Food Terminal Inc. (FTI), at ipagbibili sa publiko sa presyong P35 per kilo, kasama sa ‘cheapest available’ habang hangad naman ng pamahalaan na mas ibaba ang presyo ng bigas sa antas na nakita bago pa ang pagsirit na naitala noong Hunyo at Hulyo 2023. Kris Jose