Home NATIONWIDE Romanian nat’l na may kasong prostitusyon, hinarang sa NAIA – BI

Romanian nat’l na may kasong prostitusyon, hinarang sa NAIA – BI

2
0

MANILA, Philippines – Hinarang at pinabalik ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 46-anyos na Romanian national na may dating hatol sa kasong pagre-recruit ng mga babae para sa prostitusyon nang dumating ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Setyembre 22.

Kinilala ng BI ang dayuhan na si Razvan Mircea Nedelea, na gumagamit din umano ng alyas na Razvan Necule.

Ayon kay Bienvenido Castillo III, Deputy Chief ng BI Anti-Terrorist Group (ATG), nakatanggap ang kanilang tanggapan ng intelligence information na posibleng bumiyahe patungong Pilipinas si Nedelea.

Batay sa mga rekord at intelligence information, kabilang umano si Nedelea sa isang Romanian criminal group na sangkot sa trafficking ng mga kababaihan patungong Scotland.

Dahil dito, nahatulan umano siya at nakulong dahil sa pagre-recruit o pagkuha ng mga babae para sa prostitusyon.

Bunsod ng kanyang criminal record, hiniling ni Castillo sa BI APIS Operations Center (APOC) na bantayan ang biyahe ni Nedelea at agad na ipaalam sa ATG sakaling matukoy ang kanyang pagdating sa bansa.

Noong Setyembre 21, halos siyam na oras bago ang nakatakda niyang pagdating, natukoy ng APOC ang travel information ni Nedelea na sakay ng Qatar Airways flight patungong Maynila.

Agad namang nakipag-ugnayan ang APOC sa ATG at ipinaalam sa mga immigration personnel sa paliparan ang nalalapit na pagdating ng Romanian national.

Pagdating niya sa NAIA noong Setyembre 22, isinailalim siya sa karagdagang pagsusuri at inirefer ng duty Primary Immigration Officer sa mga tauhan ng ATG.

Matapos ang pagsusuri sa kanyang rekord at nakaraang conviction, inirekomenda ng ATG ang kanyang exclusion o hindi pagpapapasok sa Pilipinas at pagbabalik sa kanyang bansang pinagmulan.

Pinuri naman ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ang pagiging mapagmatyag ng immigration personnel at ang koordinasyon ng APOC, ATG at airport immigration officers.

Ayon kay Viado, patuloy na paiigtingin ng BI ang pagbabantay sa mga border upang matukoy at mapigilan ang pagpasok ng mga dayuhang may criminal record, lalo na ang mga sangkot sa mabibigat na krimen.

Iginiit din ng BI chief na gagamitin ng ahensya ang intelligence information, advance passenger information at koordinasyon sa iba pang ahensya upang maprotektahan ang public safety at national security. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here