MANILA, Philippines – Magbibitiw bilang Speaker ng Kamara si Leyte Rep. Martin Romualdez ngayong Miyerkoles at hinimok ang kanyang mga kasamahan na suportahan si Isabela Rep. Francisco “Bojie” Dy III bilang kapalit niya, ayon kay Deputy Speaker Ronaldo Puno.
“Magbibitiw na siya [bilang Speaker],” pahayag ni Puno sa panayam ng dzBB, at iginiit na nais ni Romualdez na buo ang suporta kay Dy.
Naudlot ang sesyon ng Kamara nitong Martes sa gitna ng mga usap-usapang may nagtatangkang patalsikin si Romualdez.
Nauna nang sinabi ni Navotas Rep. Toby Tiangco, “the most important vote for Speakership is outside the House of Representatives.”
Si Romualdez, pangulo ng naghaharing Lakas-CMD na may 113 miyembro sa Kamara, ay nasangkot sa kontrobersiya matapos akusahan ng mag-asawang kontraktor na Curlee at Sarah Discaya na madalas banggitin ang kanyang pangalan at ni dating appropriations chair Zaldy Co sa usapin ng komisyon sa proyekto.
Nilinaw naman kalaunan ni Curlee na hindi siya direktang nakipagtransaksyon kay Romualdez at ginagamit lang umano ang pangalan nito. RNT