MANILA, Philippines – Pinuna ni Leyte First District Rep. Ferdinand Martin Romualdez ang iniulat na plano ng Office of the Ombudsman na gamitin ang testimonya ng walo sa 18 dating bodyguard ni dating kongresistang Zaldy Co sa kasong inihahanda laban sa kanya.
Nauna nang kinasuhan ng cyberlibel at perjury ang 18 indibidwal na nagsabing naghatid sila ng mga maleta ng pera sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng gobyerno.
“Pantay na hustisya lamang ang hinihingi ko. But the Ombudsman is using witnesses he himself and now the DOJ have already publicly discredited — and who are now facing cyberlibel and perjury charges,” ayon kay Romualdez.
“Ito ba ang patas na imbestigasyon?” at “Mga testigong ibinasura na, kinasuhan pa ng cyberlibel at perjury — gagamitin pa rin para lang ituro ako at ako lamang,” dagdag pa niya.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, nakita ng mga imbestigador na “categorical and consistent” ang salaysay ng walong umano’y bagmen tungkol sa mga diumano’y paghahatid ng pera para kina Romualdez at Co.
“The investigators have been able to study the body language, the demeanor of the affiance, and they are of the opinion that we can use it,” ani pa ni Clavano.
Noong Lunes, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na malapit nang maisampa ang maramihang kaso laban kay Romualdez, na kanyang pinsan.
Itinanggi naman ni Romualdez ang anumang maling gawain at sinabi: “Hindi ako uurong sa laban na ito. Hindi ako matitinag.”
“Gawin natin ang tama.,” dagdag pa niya. RNT/MDS/Gail Mendoza