Home NATIONWIDE Rubio nagsimula na sa biyahe sa Middle East

Rubio nagsimula na sa biyahe sa Middle East

4
0
AL MARYAH ISLAND, ABU DHABI, UNITED ARAB EMIRATES - June 24, 2026: HH Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan, President of the United Arab Emirates (R), meets Marco Rubio, Secretary of State of of the United States of America (L), at Zuma restaurant.( Abdulla Al Neyadi / UAE Presidential Court ) ---

UNITED ARAB EMIRATES – Sinimulan na ni US Secretary of State Marco Rubio ang kanyang pagbisita sa Middle East matapos makipagpulong sa mga matataas na opisyal ng United Arab Emirates (UAE) kaugnay ng kasunduang pangkapayapaan sa Iran na ikinababahala ng ilang kaalyado ng Amerika sa Gulf region.

Dumating si Rubio sa Abu Dhabi nitong Martes ng gabi, Hunyo 23 para sa tatlong araw na pagbisita sa mga bansang mayaman sa langis sa Gitnang Silangan.

Ito ang kanyang unang mataas na antas na misyong diplomatiko matapos lagdaan noong nakaraang linggo ang kasunduan upang wakasan ang apat na buwang digmaan sa pagitan ng US, Israel at Iran.

Nakipagpulong si Rubio kay UAE President Sheikh Mohammed bin Zayed Al Nahyan, kasama sina National Security Advisor Sheikh Tahnoun bin Zayed Al Nahyan at Foreign Minister Sheikh Abdullah bin Zayed Al Nahyan.

Ayon kay Rubio, kabilang sa kanilang tatalakayin ang pangamba ng mga kaalyado ng US sa nilalaman ng peace agreement sa Iran.

“That most certainly will come up in these discussions,” ani Rubio nang tanungin kung pag-uusapan ang agam-agam ng Gulf countries sa kasunduan.

Kabilang sa nilalaman ng kasunduan ang panukalang $300 bilyong pondo para sa rekonstruksiyon at pagluwag sa ilang economic sanctions laban sa Iran.

Nangangamba ang ilang bansa sa Gulf na maaaring gamitin ng Tehran ang naturang pondo upang muling palakasin ang kakayahang militar nito.

Hindi rin umano tinutugunan ng kasunduan ang ballistic missile program ng Iran na isa sa pangunahing alalahanin ng mga karatig-bansa.

Kabilang sa mga bibisitahin ni Rubio ang UAE at Kuwait, na kapwa may mahahalagang base militar ng Amerika at kabilang sa mga tinamaan ng missile attacks ng Iran sa panahon ng digmaan.

Samantala, sinabi ng International Atomic Energy Agency (IAEA) na magsasagawa ito ng mga inspeksyon sa Iran sa mga susunod na araw bilang bahagi ng kasunduan, bagamat hindi pa pinal ang mga detalye nito.

Patuloy namang pinag-uusapan ng magkabilang panig ang mas sensitibong usapin gaya ng kinabukasan ng highly enriched uranium ng Iran, na matagal nang pinaghihinalaang maaaring gamitin sa paggawa ng nuclear weapons.

Nakatakdang magpatuloy ang negosasyon sa loob ng 60 araw upang plantsahin ang iba pang mahahalagang bahagi ng kasunduan. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here