MANILA, Philippines – Nananatiling isa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas na minimum age of criminal responsibility (MACR) sa Asya sa ilalim ng umiiral na batas, kung saan 15-anyos ang itinakdang edad bago mapanagot sa kasong kriminal ang isang menor de edad.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act, hindi maaaring papanagutin sa kasong kriminal ang mga batang 15-anyos pababa sa oras na magawa ang isang paglabag. Sa halip, isinasailalim sila sa mga intervention program ng pamahalaan.
Samantala, ang mga batang lampas 15-anyos ngunit wala pang 18-anyos ay maaari lamang managot kung mapatutunayang kumilos sila nang may sapat na pag-unawa o discernment sa kanilang ginawa.
Matagal nang pinagdedebatehan sa Kongreso ang panukalang ibaba ang edad ng criminal responsibility, subalit hanggang ngayon ay wala pang batas na naipapasa para baguhin ang kasalukuyang threshold.
Ayon sa United Nations Committee on the Rights of the Child, hinihikayat ang mga bansa na magtakda ng minimum age of criminal responsibility na hindi bababa sa 14-anyos at iwasang ibaba pa ang mas mataas nang itinakdang edad.
Sa ibang bansa sa Asya, 14-anyos ang minimum age of criminal responsibility sa Japan, South Korea at China para sa ilang krimen. Nasa 12-anyos naman ito sa Indonesia, habang 10-anyos sa Singapore.
Sa Europa, 14-anyos ang itinakdang edad sa Germany, Italy at Spain, habang 12-anyos sa Netherlands at Scotland. Pinakamababa naman ang England at Wales na may 10-anyos na threshold.
Muling nabuhay ang usapin matapos suportahan ng Philippine National Police (PNP) ang panawagang amyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act at ibaba sa 12-anyos ang edad ng criminal liability.
Kasunod ito ng pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City kung saan tatlong estudyante ang nasawi. Ang mga suspek ay pawang menor de edad na nasa edad 14 at 15.
Sinabi naman ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa anumang panukalang ipapasa ng Kongreso hinggil sa usapin.
“Wala pa pong napag-uusapan tungkol sa edad, pero kung anumang version ang maipapasa ng Kongreso, titingnan po ‘yan ng Pangulo,” ani Castro.
Depensa naman ng Juvenile Justice and Welfare Council (JJWC), nakabatay sa mga pag-aaral sa medisina at psychosocial development ang kasalukuyang edad dahil hindi pa ganap na mature ang pag-iisip at pagdedesisyon ng mga batang 15-anyos pababa. RNT/JGC