Manila, Philippines – Nagbunyi ang mga winners ng 2nd Puregold CinePanalo filmfest nitong Marso 19, 2025, sa The Elements, Eton Centris, Quezon City.
Ang nakakuha ng Pinakapanalong Pelikula ay ang Hiligaynon film ni Direk TM Malones na Salum. May kaakibat iyong P250,000 cash prize.
Nagwagi rin ang Salum ng Panalo sa Production Design (Kyle Fermindoza), Panalo sa Sound Design (Fatima Nerikka Salim at Immanuel Verona), at Panalo sa Musical Scoring (Armor Rapista).
Ang Hiligaynon film ng multi-awarded editor na si Tara Illenberger, iyong Tigkiliwi, ang pinagkalooban ng Panalong Karangalan mula sa mga hurado. Pito naman ang nakuhang tropeyo ng pelikulang Tigkiliwi.
Wagi ang Tigkiliwi sa apat na acting categories — Panalong Aktres (Ruby Ruiz), Panalong Aktor (JP Larroder), Panalong Pangalawang Aktor (Jeffrey Jiruma), at Panalong Pangalawang Aktres (Gabby Padilla).
Katabla ng batang si JP bilang Panalong Aktor si Khalil Ramos ng Olsen’s Day.
Ang dalawa pang award ng Tigkiliwi ay para sa Panalong Kwento o best screenplay (Tara Illenberger), at Panalong Ensemble.
Sa kategoryang Panalo sa Cinematography ay dalawa ang nominasyon ni TM Malones, para sa Salum at Tigkiliwi.
Nagtabla bilang best cinematography ang Journeyman (Dominic Lat) at Olsen’s Day (Kara Moreno).
Kagaya naman ng Salum, apat ang tropeyo ng Olsen’s Day — Panalong Aktor (Khalil Ramos, katabla si JP Larroder ng Tigkiliwi), Panalong Direktor (JP Habac), Mowelfund’s Special Citation, at Panalo sa Cinematography (katabla ang Journeyman).
Nakaanim na tropeyo naman ang Journeyman na pinagbidahan ni JC Santos bilang boksingerong professional loser.
Winner ang Journeyman bilang Panalo sa International Jury, Puregold Always Panalo Film (katabla ang Fleeting), MTRCB Responsableng Paglikha, Panalo sa Cinematography (katabla ang Olsen’s Day), Panalo sa Brand Intrusion, at Panalo sa Film Poster.
Tatlo ang tropeyo ng Co-Love starring Jameson Blake and KD Estrada — Panalo sa Mga Manonood, Panalo sa Editing (Vanessa Ubas de Leon), at Panalong Awitin (Di Ko Pinili by Kiko Salazar, performed by Chie).
Isa ang award ng Fleeting starring RK Bagatsing and Janella Salvador, ang Puregold Always Panalo Film (katabla ang Journeyman).
Bokya ang Sepak Takraw na isa lang ang nominasyon, at iyon ay sa kategoryang Panalong Aktor.
Tatlo ang movies ni Ruby Ruiz sa Puregold CinePanalo 2025.
Si Ruby ang bidang babae sa Tigkiliwi, at suporta sa Journeyman at Sepak Takraw.
Sa best actress lang na-nominate si Ruby, at siya ang nagwagi.
Kinabog niya sina Janella Salvador (Fleeting) at Christine Mary Demaisip (Salum).
Wala si Ruby sa awards night. Ang tumanggap ng kanyang trophy ay ang anak niyang lalaki.
“Na-delay po yung flight niya, so unfortunately hindi po makakaabot,” sabi ng anak ni Ruby.
“But she would like to share this award to the whole Tigkiliwi team, with the cast and crew.
“Kasi sobrang group effort daw talaga para matuto lang siyang mag-Ilonggo. Salamat daw ho sa paggabay sa kanya.
“Salamat daw ho kay Sir Chris Cahilig at sa lahat ng bumubuo ng Puregold CinePanalo.”
Si Chris Cahilig ang festival director ng CinePanalo, at isa sa mga hurado.
Ang iba pang hurado ay sina Direk Jeffrey Jeturian, Direk Mae Cruz-Alviar, Moira Lang, Estonian festival director of Tallinn Black Nights Film Festival Tiinna Lokk, Republic Creative Creations Inc.’s representatives Sonny Bautista and Lyle Gonzales, at festival chair Ivy Hayagan-Piedad.
Tabla naman bilang best actor si Khalil Ramos ng Olsen’s Day, at ang batang si JP Larroder ng Tigkiliwi.
Mahigpit ang tagisan sa kategoryang ito, kung saan walo ang nominado.
Kinabog nina Khalil at JP sina RK Bagatsing ng Fleeting, JC Santos ng Journeyman, Allen Dizon ng Salum, Enzo Osorio ng Sepak Takraw, at KD Estrada at Jameson Blake ng Co-Love.
Sabi ng batang si JP na first time umakting sa pelikula: “Maayong gabi. Thank you for the love and support here in Puregold CinePanalo film festival.
“I am so happy to be here, and Panalong Aktor. I appreciate the production staff especially Direk Tara and my supporting… and my supporting, acting, director.
“Sir Nathan, and Direk Tara. Thank you.”
Bahagi ng acceptance speech ni Khalil: “Ahhh grabe to! Ahhh thank you of course to Puregold CinePanalo festival, sa bumubuo ng jury, at sa bumubuo ng buong festival.
“Salamat sa pagbibigay ng plataporma sa mga kuwentong katulad ng pelikula namin, Olsen’s Day.
“Sa pamilya ng Olsen’s Day, whoa! Direk JP! Ahhh salamat sa tiwala mo, Direk. Alam kong sobrang personal nitong pelikulang ito para sa yo.
“At para pagkatiwalaan mo ako na maging bahagi ng kuwentong ito, napakalaking bagay ho para sa akin, Direk. Thank you.
“Sa buong cast and crew, of course si Kuya Romnick [Sarmenta], and si Xander [Nuda] of course, salamat sa inyo. Salamat sa pagiging sobrang generous.
“Hindi ko kakayanin itong mag-isa. And ipinaalala sa akin ng pelikulang ito na lahat naman tayo, may binibitbit.
“Lahat tayo ay minsan naliligaw. Pero gaano man kahaba o kahirap ang biyahe, kailangang tandaan lang natin na tayo pa rin ang nasa likod ng manibela.
“Minsan ang kailangan nating gawin ay huminto lang nang saglit, lingunin ang ating mga mahal sa buhay, at ipaalala sa kanila na hindi pa rin natin sila nakakalimutan.”
Best supporting actress si Gabby Padilla sa Tigkiliwi.
Sabi ni Gabby, “First time ko hong maging part ng isang fully Ilonggo film, at nakaka-proud po siya.”
Nagpasintabi si Gabby na mag-i-Ilonggo siya sa acceptance speech.
Ibinahagi niya ang kanyang award sa cast at crew ng Tigkiliwi.
Ani Gabby, “Pero what we lack for in quantity, we make up for in heart. I’m so proud. Super-proud to be part of this team.”
Dedicated ni Gabby ang kanyang tropeyo sa lahat ng mga biktima ng patriarchy.
Ang iba pang nominado bilang best supporting actress ay sina Sherry Lara at Che Ramos ng Olsen’s Day, Alexa Ilacad at Kira Balinger ng Co-Love, at Jasmine Curtis-Smith ng Journeyman.
Ang best supporting actor ay si Jeffrey Jiruma ng Tigkiliwi.
Kinabog niya ang co-actor sa Tigkiliwi na si Nathan Sotto, maging si Raffy Tejada ng Journeyman, at sina Romnick Sarmenta at Bodjie Pascua ng Olsen’s Day.
Sa lipon ng student shorts, kampeon ang Mindanaoan film na Champ Green bilang best short film. May kaakibat iyong cash prize na PHP100,000.
Limang tropeyo ang natamo ng Champ Green — Panalong Maikling Pelikula, Panalong Pangalawang Aktor (Sol Eugenio), Panalo sa Kwento, Panalo sa Brand Intrusion (may dagdag na P25,000), at Mowelfund Special Citation.
Wagi rin ng Panalo sa Brand Intrusion ang short film na G!, samantalang tabla ang Checkmate at Taympers bilang Pinakapanalong Promosyon ng Pelikula.
Lima rin ang tropeyo ng Uwian — Panalong Direktor (Vhan Marco Molacruz ng Colegio de San Juan de Letran), Panalo sa Musical Scoring, Panalo sa Production Design, Panalong Aktres (Geraldine Villamil), at Panalong Pangalawang Aktres (Uzziel Delamide). JP Ignacio