Home NATIONWIDE Sa gitna ng mataas na presyo ng luya… STORAGE, REFRIGERATION FACILITY KAILANGAN...

Sa gitna ng mataas na presyo ng luya… STORAGE, REFRIGERATION FACILITY KAILANGAN – TOLENTINO

Senator Francis 'Tol' Tolentino

MANILA, Philippines – Inamin ng Department of Agriculture (DA) na ang mataas na presyo ng luya sa Metro Manila at mga karatig lalawigan ay dulot ng pagtaas ng demand sa mga bilihin mula sa mga manufacturer, kaakibat ng mababang supply dahil sa mabagal na importasyon.

Ito ang mga dahilan na binanggit ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa nang tanungin ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino sa kanyang programang ‘Usapang Tol’ tungkol sa mga salik na nagtutulak sa pagtaas ng presyo ng luya.

Ipinaliwanag ni De Mesa, tagapagsalita rin ng DA, kung paanong ang pag-aangkat, na kinakailangan upang makadagdag sa domestic production ng luya, ay patuloy na bumaba sa 400 metriko tonelada sa taong ito, mula sa humigit-kumulang 5,000 metriko tonelada noong 2021.

Idinagdag niya na ang Bureau of Plant Industry (BPI) ay kasalukuyang nag-iimbestiga kung bakit bumababa ang importasyon.

Kapwa nagkasundo sina Tolentino at De Mesa na ang pagtaas ng produksyon at suplay ng luya, at pagpapabuti ng mga pasilidad pagkatapos ng ani, tulad ng mga storage at refrigeration system, ay dapat iprayoridad upang matugunan ang lumalaking pangangailangan.

Sa kasalukuyan, nasa P120 hanggang P150 ang presyo ng ginger farm gate, habang nasa P250 hanggang P260 ang umiiral na market price.

Una nang tinawag ni Tolentino ang atensyon ng DA nang mapabalitang umabot na sa P320 kada kilo ang presyo ng luya sa ilang pampublikong pamilihan.

Tumanggap ng plake ng pasasalamat si Sen. Francis Tolentino mula kay Quezon Province Governor Helen Tan matapos siyang magtalumpati sa Quezon Peace Summit na ginanap sa Lucena City kung saan idiniin niya na napakahalaga ng kapayapaan bilang pundasyon ng kaunlaran.

Sa huli, ikinatuwa naman ng senador na ang lumalagong katanyagan ng mga produktong nakabatay sa luya, tulad ng turmeric tea, ay nag-ambag sa mataas na demand para sa produktong pang-agrikultura.

”Ito ay isang magandang senyales na nagiging health conscious na ang ating mga kababayan, na pinatunayan ng mataas na demand sa ganitong uri ng inumin. May mga medicinal claims na ang luya ay talagang makatutulong na mapabuti ang ating kalusugan,” sabi ni Tolentino. RNT