MANILA, Philippines – Tiniyak ni DOH Secretary Teodoro Herbosa nitong Martes, Abril 2 sa publiko na kontrolado ang pertussis sa kabila ng deklarasyon ng outbreak sa ilang lugar.
Sinabi ni Herbosa na ang bilang ng kaso ng pertussis sa bansa ay nag-plateau o hindi na tumataas.
Ayon pa kay Herbosa, ang DOH ay patuloy na minomonitor ang pagkalat o pagtaas ng bilang ng kaso.
Binabantayan aniya ng kanilang regional epidemiology surveillance unit ang mga kaso ng pertussis o wooping cough sa buong bansa.
Pagtitiyak ni Herbosa sa mga magulang na walang dapat ikatakot tungkol sa pertussis dahil ang ahensya ay may bakuna para dito.
Hinimok din ni Herbosa ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak partikular ang mga zero hanggang 5 taong gulang upang maiwasan ang vaccine-preventable diseases Lalo na ang pertussis at tigdas.
Ayon sa DOH, 453 kaso ng pertussis ang naitala sa unang 10 linggo ng 2024, o mas mataas ng 1,870 porsiyento kaysa sa 23 kaso sa parehong panahon noong 2023.
Nasa 52 kaso lamang ng sakit ang naitala noong 2019, bago ang COVID-19 pandemic, 27 noong 2020, pito noong 2021, at dalawa noong 2022.
Nauna rito, nagdeklara ang lokal na pamahalaan ng Quezon City ng pertussis outbreak na may 23 kaso na naiulat noong Marso 20, kung saan apat na pasyente ang namatay. Jocelyn Tabangcura-Domenden