Home NATIONWIDE Sa pagharap ni Quiboloy, PH Marines balik-bantay sa Senado

Sa pagharap ni Quiboloy, PH Marines balik-bantay sa Senado

MANILA, Philippines- Ibinalik ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang serbisyo ng Philippine Marines (PM) sa pagbabantay ng seguridad sa perimeter ng Senado sa gitna ng pagharap ni Pastor Apollo C. Quiboloy sa pagdinig.

Pero nilinaw ni ret. Gen. Roberto Ancan, hepe ng Office of the Sergeant-At-Arms (OSAA), na walang kaugnayan ang pagbabalik ng militar sa Senado sa ilang isyung iniimbestigahan kabilang si Quiboloy.

Mismong si Escudero ang nagkumpirma sa media na magkakaroon ng pagbabago sa seguridad ng Senado.

Nakatakdang dumalo si Quiboloy sa isasagawang imbestigasyon ng Senate committee on women sa pamumuno ni Senador Risa Hontiveros sa ilang isyu ng sexual abuse, human trafficking at money laundering.

Ayon kay Escudero, walang partikular na banta sa Senado kaya ibinalik ang isang contingent ng Marines sa pagbabantay nito. “None that I am privy with.”

“It was originally the Marines that secured both the House and Senate grounds before. Just restored it,” paliwanag niya sa isang Viber message.

Sa panayam, sinabi ni Ancan na simpleng binawasan lamang ng Sneado ang bilang ng pulis na nagbabantay dito kaya’t makaka-pokus ang pulisya sa police matters sa labas ng Mataas na Kapulungan.

“Then the instruction of the Senate president to me is to return to how it was before since it was the marines who were securing the Senate before,” aniya.

Sinabi pa ni Ancan na walang banta laban sa Senado kundi ibinabalik lamang ang dating seguridad nito.

“No, no. There is no threat to the Senate,” aniya.

Aniya, itutuloy ng pulisya ang pagtupad ng tungkulin nito, habang magbibigay seguridad naman ang OSAA sa nasasakupan ng Senado.

Itatalaga ang security unit mula sa Marines sa gate, parking area at lobby ng gusali ng Senado.

Nasa isang bahagi ng parking area ang detention cell ni Shiela Guo. Ernie Reyes