Home NATIONWIDE Sa pagtatapos ng SY 2024-2025, mga guro binigyan ng 30-day break

Sa pagtatapos ng SY 2024-2025, mga guro binigyan ng 30-day break

MANLA, Philippines- Pinagkalooban ng Department of Education (DepEd) ang mga guro ng “uninterrupted and flexible” vacation ng 30 araw nang hindi na kailangang harapin ang school-related tasks sa darating na linggo.

Base sa updated guidelines ng DepEd, pahihintulutan ang mga guro na itakda ang 30-day break sa pagitan ng April 16 at June 1, 2025, alin man sa tuloy-tuloy o sa staggered na batayan.

Kabilang sa mga revised order ay ang mga guro mula sa Alternative Learning System (ALS) at sa mga direktang kasangkot sa pagtuturo ng Arabic Language and Islamic Values Education (ALIVE) classes.

Samantala, ang learners na kailangang dumalo sa mandatory summer programs ay magkakaroon ng kanilang bakasyon na itinakda sa labas ng May 13 hanggang June 6 period.

Ang SY 2024-2025 ay itinakda mula July 29, 2024, hanggang April 15, 2025, at ang susunod na academic year na magsisimula naman sa June 16, 2025, at magtatapos sa March 31, 2026.

Sa panahon ng kanilang 30-day vacation, hindi naman obligado ang mga guro na magpartisipa sa anumang aktibidad na may kaugnayan sa Performance Management Evaluation System (PMES).

Maaari ring kompletuhin at magsumite ang mga ito ng kanilang electronic Individual Performance Commitment and Review Form (eIPCRF) sa pagtatapos ng unang buwan ng SY 2025-2026.

Ang mga guro na nag-aapply para sa promosyon ay maaari ring magsumite ng required performance evaluations bago pa ang huling araw ng klase.

Binigyang-diin ng DepEd na habang ang partisipasyon sa professional development activities o summer training ay voluntary, ang events ay nakatakda sa labas ng kanilang vacation period.

Ang mga guro na kasama sa mga aktibidad na ito ay makakukuha ng vacation service credits na karagdagan sa 30-day limit.

Ang mga guro ay papayagan na bumisita sa mga eskwelahan o magpartisipa sa mga aktibidad gaya ng May 2025 elections at sports events, sa panahon ng kanilang bakasyon.

“This break is a well-deserved opportunity for our learners and teachers to relax after a long academic year. I hope they spend this time wisely, unwinding with their families and loved ones, and return to work energized for the new school year,” ang sinabi ni Education Secretary Sonny Angara.

“School heads, on the other hand, are not included in the vacation benefits as they are responsible for managing the school during the break,” wika pa ng departamento.

Gayunman, ang mga ito ay may karapatan sa pagbabakasyon o sick leave credits sa nasabing panahon. Kris Jose