MANILA, Philippines – Bilang pagtupad sa kanyang pangakong tugunan ang lumalalang krisis sa edukasyon sa bansa, naghain si Senator Bam Aquino ng sampung panukalang batas na nakatuon sa edukasyon, kabilang ang mga hakbang para itawid ang edukasyon at trabaho at palakasin ang pagpapatupad ng Tertiary Education Subsidy (TES) sa ilalim ng Free College Law.
Nagsimula ang panunungkulan ni Aquino ngayon, June 30, matapos mahalal muli na pumangalawa sa senatorial election nitong May 2025.
“Kasalukuyan tayong nakararanas ng education crisis na dapat resolbahin agad. Inaasahan naming makakatulong ang mga panukalang ito sa pagtugon sa mga pangunahing problema sa sistema ng edukasyon, upang matamo ng bawat estudyanteng Pilipino ang de-kalidad na edukasyon na nararapat para sa kanila,” wika ni Aquino, dating chairperson ng Senate Committee on Education.
Isa sa mga pangunahing panukala ni Aquino ang School-to-Employment Program (STEP) Act na layong magtayo ng Job Placement Offices sa lahat ng pampublikong senior high schools, state universities and colleges (SUCs), at local universities and colleges (LUCs).
Sa ilalim ng panukala, itatatag ang National at Local Industry-Academe Councils na tututok sa problema ng job-skills mismatch at pagsusulong ng disenteng trabaho.
“Ang STEP Act ay mahalagang hakbang sa laban para matiyak ang siguradong trabaho para sa lahat. Layunin nitong bigyan ang bawat kabataan ng malinaw na daan mula edukasyon patungong disente at makabuluhang trabaho,” dagdag ni Aquino.
Naghain din si Aquino ng panukalang amyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act upang tiyakin na ang lahat ng 4Ps beneficiaries na nakapagtapos ng Senior High School at tinanggap sa CHED-recognized Higher Education Institutions ay makatatanggap ng suporta sa ilalim ng TES.
Ilalatag ng panukala ang mga mekanismo sa pagprayoridad ng mga TES beneficiary, kung saan bibigyang pansin ang pinaka-nangangailangan.
“This legislation affirms and renews that promise, with a sharper focus on equity, clarity, and compassion for Filipino youth. It ensures that public investment in higher education becomes a bridge to opportunity, social mobility, and national development,” paliwanag ni Aquino.
Ang 10 education-related bills ni Aquino:
School-to-Employment Program (STEP) Act
Maglalagay ng Job Placement Offices sa lahat ng pampublikong senior high school, state universities and colleges (SUCs), at local universities and colleges (LUCs). Layunin din ng panukala ang paglikha ng isang National Industry-Academe Council at mga kaukulang Local Industry-Academe Council upang tugunan ang job-skills mismatch at isulong ang disenteng trabaho para sa mga Pilipino. Binibigyang kapangyarihan ng panukala ang higher education institutions na mag-adjust ng mga kurso at programa batay sa pangangailangan ng labor market, para matiyak na taglay ng mga graduate ang kakayahan para umunlad sa kasalukuyang ekonomiya.
Amendments to RA 10931
Aamyendahan ang Republic Act No. 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act upang matiyak na lahat ng benepisyaryo ng 4Ps na makatapos ng Senior High School at makapasok sa mga kinikilalang Higher Education Institution (HEI) ng CHED ay mabibigyan ng suporta sa pamamagitan ng Tertiary Education Subsidy (TES). Aamyendahan ang Republic Act No. 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act upang matiyak na lahat ng benepisyaryo ng 4Ps na makatapos ng Senior High School at makapasok sa mga kinikilalang Higher Education Institution (HEI) ng CHED ay mabibigyan ng suporta sa pamamagitan ng Tertiary Education Subsidy (TES). Tinitiyak nito na patuloy na makatatanggap ng tulong ang mga benepisyaryo ng TES hanggang makumpleto nila ang kurso o pagsasanay, at inaakma ang isang sistemang batay sa pangangailangan sa pagbibigay ng natitirang mga slot para sa TES. Itinatakda rin ng panukalang batas ang isang quality assurance process para sa institusyong tumatanggap ng mga TES grantee, na nakatuon sa pamantayang pang-akademiko at kakayahang makahanap ng trabaho ng mga nagtapos.
Bayanihan Work Program Act
Isang pambansang jobs guarantee program na layong magbigay ng marangal, makabuluhan, at kapaki-pakinabang na trabaho para sa lahat ng Pilipinong handa at kayang magtrabaho, sa halip na umasa sa ayuda o pinansyal na tulong mula sa gobyerno.
Adopt-A-School Act of 2025 at Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act
Bilang tugon sa mahigit 165,000 na kakulangan sa silid-aralan sa buong bansa, naghain si Aquino ng dalawang magkaugnay na panukala. Layunin ng Adopt-A-School Act of 2025 na hikayatin ang pribadong sektor na tumulong sa mas malawak na hanay ng mga programa para sa paaralan at edukasyon sa pamamagitan ng isang adopt-a-school one-stop shop at mas malinaw at pinalakas na tax incentives.
Ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act naman ay magbibigay ng kapangyarihan sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor na magtayo ng silid-aralan alinsunod sa pambansang pamantayan sa kanilang mga hurisdiksiyon, na may tulong pinansyal mula sa pambansang pamahalaan.
Angat Sweldo Para sa Guro Act
Dagdag na ₱10,000 buwanang sahod para sa lahat ng public school teachers at kwalipikadong non-teaching personnel. Ipatutupad ito sa loob ng tatlong taon, sa pamamagitan ng tatlong bahagi o tranches.
Libreng RLE Act
Pagagaanin ang pasaning pinansyal ng nursing students sa pamamagitan ng pagbabawal sa paniningil ng RLE fees sa mga SUC at LUC. Sa halip. ang mga bayaring ito y isasama bilang bahagi ng tuition at iba pang school fees na saklaw ng pondo mula sa gobyerno . Nais din ng panukala na palawakin ang saklaw ng TES upang masakop ang RLE fees ng nursing students na naka-enroll sa mga accredited na pribadong kolehiyo at unibersidad.
E-Textbook Para sa Lahat Act
Palalakasin ang access ng mga guro at mag-aaral sa mga textbook sa pamamagitan ng pag-obliga na gawing available at libre sa digital format ang lahat ng libro na aprubado ng DepEd para sa basic education sa pamamagitan ng opisyal na platform o awtorisadong channel.
Student Discount Para sa Load Act
Lahat ng estudyanteng naka-enroll mula elementarya hanggang kolehiyo ay magkakaroon ng 20% diskwento sa mobile load, text, tawag, at internet services bilang suporta sa kanilang pag-aaral, lalo na para sa research at online learning.
Private Education Voucher Expansion (PEVE) Act
Batay sa magkatuwang na tungkulin ng mga pampubliko at pribadong institusyon sa pagbibigay ng de-kalidad na basic education, layon ng panukala na gawing moderno at palakasin ang suporta ng pamahalaan sa pribadong basic education sa pamamagitan ng pagpapalawak ng saklaw ng basic education voucher program at karagdagang suporta para sa private basic education schools, kabilang na ang in-service training para sa mga guro. Ernie Reyes