Home NATIONWIDE Safe conduct passes sa amnesty applicants, aprubado ni PBBM

Safe conduct passes sa amnesty applicants, aprubado ni PBBM

MANILA, Philippines -PINAHINTULUTAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang National Amnesty Commission (NAC) na magpalabas ng safe conduct passes (SCPs) sa mga dating rebelde na naghahangad na mag-apply para sa amnestiya.

Sa ilalim ng Memorandum Order No. 36, pinahihintulutan ang NAC na magpalabas ng SCPs para sa mga amnesty applicants mula sa Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade, Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front, Moro Islamic Liberation Front, at Moro National Liberation Front.

Ang ceremonial signing ng MO 36 ay idinaos sa Camp BGen. Gonzalo H. Siongco sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

“The NAC shall issue SCPs to amnesty applicants who are not under detention and who have manifested their desire to surrender in order to apply for amnesty,” ang nakasaad sa kautusan.

“May ilan sa ating mga kapatid, mga kapwa Pilipino, nang dahil sa adhikaing pinaglalabanan ang napilitang tahakin ang landas na taliwas sa batas na ang layunin ay sila’y protektahan at ipagtanggol,” ang sinabi ng Pangulo sa kanyang naging talumpati.

“Ngayong araw na ito, nais kong iparating sa inyo, bukas po ang aming pinto. Kung taos puso ang inyong pagbabago, handa ang pamahalaan na makinig, umalalay at sumuporta sa inyong pagbabalik-loob,” aniya pa rin.

Ani Pangulong Marcos, ang pagpapalabas ng memorandum order ay patunay na ang pamahalaan ay nakahanda na magbigay ng tulong sa mga dating rebelde na nagnanais na magbalik-loob sa batas at gobyerno subalit nag-aatubili na mag-apply para sa amnestiya dahil sa kasong isinampa laban sa kanila.

Sinabi pa niya na magsisimula nang magpalabas ang NAC ng safe conduct passes sa mga dating combatants na nahaharap sa arrest warrants.

“Ang mga safe conduct passes na ito ay hindi lamang magbibigay ng proteksyon sa mga aplikante ng amnestiya laban sa pagka-aresto, pagka-kulong at pag-uusig,” ayon sa Pangulo.

“Higit sa lahat, ito ay isang paanyaya sa lahat ng mga rebelde na ihinto ang armadong pakikibaka. Ito ay isang bagong pahina upang makapagsimula muli,” dagdag na wika nito.

Matatandaang, pInagkalooban ni Pangulong Marcos ng amnestiya ang mga miyembro ng nasabing mga grupo noong November 2023.

Samantala, sa ilalim ng kautusan, ang isang miyembro na mayroong SCP ay magkakaroon ng proteksyon mula sa pag-aresto at paglilitis para sa krimen na saklaw ng proklamasyon; authority at/o conformity ng mga prosecutors sa motions for suspension na inihain ng SCP holders sa anumang proceeding para sa krimen na sakop ng subject proclamations; at ang suspensyon ng anumang reward para sa pagdakip ng SCP.

Gayunman, hindi naman papayagan ng SCP ang holder nito na makalaya mula sa detensyon alinsunod sa isang balidong warrant of arrest. Hindi rin magkakaroon ng karapatan ang holder nito na magmay-ari ng loose firearms at/o ammunition.

Idagdag pa rito, ang “SCP will not automatically grant amnesty to its holders.”

Maaari namang magpalabas ang NAC ng provisional SCP (PSCP) bago pa ang pagpapalabas ng SCP, kung saan mabibigyan ang amnesty applicants ng kaparehong karapatan at limitasyon.

Samantala, ang PSCP ay magiging balido lamang para sa non-extendible period na 15 araw mula sa petsa ng pagpapalabas. Kris Jose