MANILA, Philippines – PINANINDIGAN ng Malakanyang na sapat na ang mga naging sagot ng mga miyembro ng gabinete sa mga tanong na ibinato sa kanila sa isinagawang Senate investigation noong Marso 20 ukol sa naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Marso 11 at sa kalaunan ay nakaditine sa The Hague, Netherlands
”Ayon nga po sa napagdesisyonan, alam na po ng mga Cabinet members natin, ng mga Cabinet officials natin, na sapat na po… sa kanilang pananaw ay sapat na po ang kanilang mga nasabi, naibigay na facts, mga data sa naunang hearing ni Senator Imee Marcos,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
”Sa tingin po namin, sapat na po considering the fact na nagkaroon na rin po siya ng kanyang preliminary findings. So ‘yun po, hindi po natin masasabi na hindi naman po tinugunan ang mga katanungan kung ito po ay in aid of legislation,” dagdag na wika ni Castro.
Nauna rito, kinumpirma ni Senate Committee on Foreign Relations Chairman Senadora Imee Marcos, base sa letter na ipinadala ng Malakanyang, na hindi na dadalo ang mga inimbitahang mga miyembro ng gabinete sa pagdinig sa Abril 3 patungkol sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte.
Ayon kay Imee Marcos, natanggap niya ang sulat mula kay Executive Secretary Lucas Bersamin at nakasaad na hindi na haharap ang mga ito sa pagdinig kung saan kabilang sa dahilan ng hindi pagdalo ay ang paggiit ng executive privilege at subjudice rule dahil may nakabinbing kaso na sa Korte Suprema.
Ikinatwiran pa ni Bersamin sa letter na dumalo at nasagot na ng mga opisyal ng ibat ibang ahensya ng gobyerno ang mga tanong tungkol sa pag-aresto kay Duterte sa unang pagdinig ng Senado nung Marso 20 at kasunod nito, naglabas na rin aniya ng comprehensive findings si Marcos.
Iginiit ng senadora na bitin ang naunang pagsisiyasat ng kanyang komite at marami pang naiwang katanungan at hindi nagtutugmang mga impormasyon na kinakailangang mabigyang linaw.
Pagkakataon din aniya ito para sagutin ng pamahalaan.
Gayunpaman, wala pang nagkukumpirma sa senadora kung sino ang makadadalo sa imbestigasyon ng Committee on Foreign Relations ukol sa pagkakaaresto sa dating pangulo.
Matatandaang, sinabi ni Imee Marcos na hindi naman daw niya intensyon anti-administration ang isinagawang pagdinig.
Sa katunayan aniya mga gabinete ng administrasyon ang dumalo sa pagsisiyasat at wala raw siyang alam sa mga isasagot ng mga ito. Kris Jose