Home TOP STORIES Sangkot sa flood control project papanagutin; reporma sa pamahalaan ipatupad

Sangkot sa flood control project papanagutin; reporma sa pamahalaan ipatupad

299
0

Nanawagan ang political group na PolPhil o ang People’s Progressive Humanist Liberal Party (PolPhil) na dapat papanagutin at makulong ang lahat na sangkot sa maanomalyang flood control project at magkaroon ng tunay na reporma sa pamahalaan.

Ayon sa PolPhil ang lumalawak na kilos protesta ng mamamayan ay magpapatuloy hangga’t walang napaparusahan sa mga sangkot sa  “ghost” flood control, at mga nilutong bidding sa pamahalaan.

Sa ginanap na rally kanina Nobyembre 30 (Linggo) sa People Power Monument sa Edsa binigyang-diin ng PolPHIL na makatarungan at makabuluhan ang ‘pag-aalsa’ ng publiko—patunay ng matinding paghahangad para sa isang gobyernong tapat, malinaw ang proseso, at tunay na naglilingkod sa taumbayan.

“Gumagana ang demokrasya—dahil kumikilos ang sambayanan,” saad ni Edicio dela Torre, PolPHIL Emeritus.

Ayon kay dela Torre, dating pari at bilanggong pulitikal, nananatiling matatag ang mga mekanismo ng demokrasya sa kabila ng krisis. “Ang nasasaksihan natin ay demokrasya sa pagkilos. Ang mga imbestigasyon, malayang media, whistleblowers, at ang mamamayan mismo ang nagtutulak ng pananagutan.

Kailangang pangalagaan at hayaang gumana ang mga prosesong ito,” paglalahad ni dela Torre. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng karapatang magprotesta: “Ang mapayapang pagtitipon ay hindi banta—ito ang tibok at lakas ng demokrasya. Dapat itong igalang at pangalagaan ng pamahalaan sa lahat ng pagkakataon.”

Kaugnay nito sinabi ni Rodolfo “Rudy” Cañeda PolPHIL National Chairman na ang tunay na liderato ay paninindigan sa reporma at hindi panunupil.

“Hindi tayo pabor sa kudeta, ayaw natin ng power grab, dapat makulong ang lahat na sangkot sa pagnanakaw sa kaban ng bayan” sabi pa ni Cañeda.

Hinimok pa ni Cañeda ang mga halal na opisyal na harapin ang krisis nang may tapang, bukas na loob, at integridad.

“May karapatan ang publiko na maningil. At dapat tumugon ang ating mga lider hindi sa pamamagitan ng pagsupil sa tinig ng taumbayan, kundi sa pagyakap sa malalim at kinakailangang reporma,” dagdag pa ni Cañeda.  (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here