MANILA, Philippines- Alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., dumating si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa Sorsogon nitong Martes ng umaga upang personal na suriin at i-monitor ang mga pangangailangan ng mga komunidad na apektado ng pagputok ng Mt. Bulusan.
Sa situation briefing sa Sorsogon Province Disaster Response and Risk Reduction Management Council (SPDRRMC) office sa Sorsogon City, sinabi ni Gatchalian na ang marching orders ng Pangulo ay para sa “whole-of-government approach” sa pagtugon sa mga pangangailangan ng lahat ng disaster-affected Bicolanos, partikular ang mga naninirahan sa bisinidad ng Mt. Bulusan.
“We want to make sure that all displaced families are taken care of properly and that the government is present in this time of need,” wika ni Gatchalian base sa news release.
Tiniyak niya sa provincial government sa pamumuno ni Governor Edwin Hamor, at lahat ng local government units (LGUs) na ang DSWD ay may sapat na family food packs (FFPs) at iba pang relief items na nakahanda sa ilang warehouses sa ilalim ng Field Office 5 ng DSWD sa Bicol Region upang suplayan ang mga pamilya at indibidwal na apektado ng pagputok ng Mt. Bulusan.
Batay sa ulat ng Disaster Response Operations Management, Information, and Communication (DROMIC) ng ahensya, may kabuuang 15,625 pamilya o 78,184 indibidwal ang apektado ng volcanic activity hanggang alas-6 ng umaga nitong Martes.
“Sa side ng DSWD, pinahiram kami ng provincial government at iba’t ibang local government units (LGUs) dito ng mga warehouse, so naka-prepositioned na tayo. In fact, sa buong Region 5, malalapit lang yung regional warehouses natin, we have around 180,000 FFPs as we speak,” ani Gatchalian. RNT/SA