Home NATIONWIDE Sapat na supply ng doxycycline sa gitna ng lumolobong leptospirosis cases tiniyak...

Sapat na supply ng doxycycline sa gitna ng lumolobong leptospirosis cases tiniyak ng DOH

MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Linggo na ang doxycycline na ginagamit sa paggamot sa leptospirosis ay madaling makuha sa merkado at mga health center sa gitna ng pagdagsa ng mga pasyenteng naapektuhan ng bacterial infection ilang linggo matapos ang matinding pagbaha sa Luzon areas.

Gayunman, nilinaw ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na kapag may hinihinalang kaso ng leptospirosis ay kailangang kumonsulta muna sa doktor at kumuha ng reseta para sa gamot.

Paliwanag ni Domingo, kailangang kumonsulta sa doktor dahil ito ay hindi pwedeng gamitin ng mga buntis at mga edad 12 pababa.

Dagdag pa ni Domingo, depende rin sa sitwasyon ng pangangatawan na nakikita ng doktor kung anong angkop na antibiotic.

Ang doxycycline ay libreng makukuha sa public health centers , sabi ni Domingo.

Base sa opisyal, ang stocks ng doxycycline ay bumaba sa ilang rehiyon ngunit kalahating milyong kapsula ang nakatakdang ilabas ng DOH.

Nanawagan si Domingo sa mga lumusong sa tubig-baha sa gitna ng bagyong Carina at Habagat na agad magpakonsulta sa mga health professional.

Ang incubation period ng leptospirosis ay maaaring mula dalawa hanggang 30 araw, kung saan kadalasang nagpapakita ng mga sintomas sa loob ng isa hanggang dalawang linggo pagkatapos ng pagkakalantad sa kontaminadong tubig-baha. Jocelyn Tabangcura-Domenden