MANILA, Philippines- Nadakip ang isang Bureau of Corrections (BuCor) officer at dalawa pang kalalakihan sa P68 milyong halaga ng hinihinalang crystal meth, kilala bilang shabu, sa Parañaque City, base sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Inihayag ng PDEA nitong Linggo na naaresto ang 27-anyos na si Correction Officer 1 Paul Patrick Toledo, 34-anyos na truck driver na si Romeo Guerrero, at 27-anyos na security guard na si Reynold Teodoro sa isang buy-bust operation sa Skate Park sa Bulungan noong Agosto 9.
Isinagawa ng PDEA, Metro Manila police, at ng Philippine National Police – Drug Enforcement Group ang operasyon.
Base sa PDEA, bukod sa 10 kilo ng hinihinalang shabu, dalawang sasakyan, isang pistol na may kargang live ammunition, at mobile phones ang nasabat mula sa mga suspek.
Mahaharap sila sa reklamong paglabag sa Section 5 (sale of dangerous drugs) at Section 11 (possession of dangerous drugs) ng Article II ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/SA