MANILA, Philippines – Nanguna si Vice President Sara Duterte sa presidential survey ng WR Numero na inilabas noong Biyernes, habang pumangalawa si Naga City Mayor Leni Robredo.
Ayon sa survey, si Duterte ang nananatiling paboritong kandidato para sa halalang pampanguluhan sa 2028.
Nakakuha si Sara Duterte ng 39.4% na suporta, habang si Leni Robredo ay may 20.9%. Pumangatlo si Sen. Raffy Tulfo na may 14.2%, sinundan nina Sen. Bong Go (3.6%), Sen. Bam Aquino (2.7%), at Sen. Risa Hontiveros (2.1%). May 17% ng mga respondent ang nagsabing hindi pa sila nakapipili ng iboboto.
Isinagawa ang survey noong Hunyo 9–16, bago nagsimula ang impeachment trial ni Duterte, at nilahukan ng 1,432 adult respondents na may ±2.6% margin of error.
Sa vice presidential survey, nanguna si Sen. Robin Padilla na may 21.3%, kasunod si Sen. Bong Go na may 20.6%.
Sa senatorial survey, si Robin Padilla rin ang nanguna na may 39%, habang magkaparehong may 36% sina Raffy Tulfo at Pasig Mayor Vico Sotto. Kasunod sina Sen. Alan Peter Cayetano at dating Sen. Grace Poe na may tig-34%.
Ayon sa WR Numero, nananatiling mainit ang labanan sa pagka-bise presidente, habang ang karera sa Senado ay nakabatay pa rin sa kasikatan ng mga kandidato. RNT/MDS