Home NATIONWIDE Ceasefire sa Taguig flood control probe, tinabla ni Lacson

Ceasefire sa Taguig flood control probe, tinabla ni Lacson

1
0

MANILA, Philippines – Lantarang tinabla ni Senador Panfilo Lacson ang panawagan ni Minority Leader Alan Peter Cayetano na magtupad ng ceasefire sa flood control projects probe Taguig City dahil walang nakikitang sensiridad ang dating chairman ng Senate blue ribbon committee.

Sa pahayag, sinabi ni Lacson na humingi ng ceasefire si Cayetano sa   pamamagitan ng kasamahan nito sa majority bloc matapos ilantad ang ilang maanomalyang infrastructure projects sa Taguig City,

Ngunit, ayon kay Laccson, si Cayetano rin mismo ang nagpalubog sa naturang mga overture nang salungatin niya ang mga ito sa publiko, na nagdulot ng pagdududa sa kanyang sinseridad.

Ani Lacson nitong Biyernes, pribadong nakiusap si Cayetano sa hindi bababa sa limang miyembro ng majority bloc upang iparating ang kanyang kahilingan sa ceasefire at makapag-focus ang Senado sa trabaho – ngunit itinanggi rin niya sa publiko na ginawa niya ang naturang overture.

“So nasaan ang sincerity kung nag-offer ka ng ceasefire tapos sa unang pagkakataon pinagkatanggi-tinanggi mo?” ani Lacson sa mga panayam.

Nang tanungin kung si Cayetano nga ang humiling ng ceasefire, sumagot si Lacson: “That is correct, absolutely.”

Sinabi ni Lacson na nagsimula ang mga pagtatangka ni Cayetano na magkaroon ng ceasefire noong Miyerkules ng nakaraang linggo, nang isa-isahin niyang lapitan ang limang miyembro ng majority bloc upang hilinging tigilan muna ang alitan.

Lalo pang tumindi ang kanyang mga hakbang noong Lunes at Martes ngayong linggo nang magpokus siya sa isang senador upang maiparating ang kanyang kahilingan.

Ani Lacson, napag-usapan ang usapin sa caucus at fellowship ng majority bloc nitong Miyerkules, kung saan agad niyang kinuwestiyon ang sincerity ni Cayetano.

“I said let’s first see if he can show good faith before we even consider giving any attention or room to the offer of a ceasefire,” aniya, ngunit idinagdag na si Cayetano rin mismo ang sumagot sa tanong na iyon nang itanggi niya sa publiko ang naturang mga overture.

Binanggit din ni Lacson ang isa pang aniya’y halimbawa ng kawalan ng sincerity ni Cayetano. Aniya, nakiusap si Cayetano kay Blue Ribbon Committee chairman Sen. Erwin Tulfo na huwag nang ituloy ang mga pagdinig ukol sa flood control scandal, ngunit nang tanungin ng media, nagduda naman siya sa pahayag ni Tulfo.

“Nasaan ang sincerity?” ani Lacson.

Tungkol naman sa pahayag ni Cayetano na nais niyang makabalik na ang Senado sa trabaho, sinabi ni Lacson na kabalintunaan ito dahil ang leadership coup ni Cayetano noong Mayo 11 ang siyang unang gumulo sa gawain ng Senado.

“Yan ang dialog niya, magtrabaho tayo. Unang una sino ba nanggulo sa Senate kaya nagkaganyan-ganyan?” aniya.

Idinagdag niya na nananatiling nakatuon ang Senado sa trabaho nito mula nang mahalal si Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore noong Hunyo 3 at bilang Senate President noong Hunyo 17.

Sinabi ni Lacson na naorganisa na ang mga komite ng Senado, nakahanay na ang mga imbestigasyon at mga inquiry in aid of legislation, at sinimulan na rin niya ang kanyang tungkulin bilang chairman ng Senate Committee on Ways and Means, kabilang ang pagdalo sa isang briefing ng Department of Finance bilang paghahanda sa agenda ng komite. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here