Home HOME BANNER STORY Sasakyan ng kandidatong SB member sa Isabela, niratrat

Sasakyan ng kandidatong SB member sa Isabela, niratrat

SAN MATEO, Isabela – Hanggang sa ngayon ay blangko pa rin ngayon ang kapulisan sa nangyaring pamamaril na sasakyan ng kumakandidatong Sangguniang Bayan member na naitala sa bahagi ng National Highway ng Villa Magat, San Mateo, Isabela.

Isang kulay puting Pick-up na pagmamay-ari ni dati at tumatakbong SB member Marlon Tutaan ang nadatnang may maliit na butas at basag sa magkabilang bintana partikular sa driver at passenger seat habang nakaparada sa gilid ng Highway.

Ayon kay PMaj. Danilo Malab Jr., hepe ng PNP San Mateo, walang narekober na anumang basyo ng baril sa loob at labas ng sasakyan maging sa paligid nito kaya hindi pa makumpirma kung insidente ito ng pamamaril o biktima ng ‘Basag-Kotse’ gang.

Hamon naman ngayon ito sa ginagawang imbestigasyon ng kapulisan katuwang ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) lalo na’t wala ring CCTV Camera sa harap ng kapilya ng Iglisia ni Kristo maging sa mga poste ng kuryente na malapit sa pinangyarihan ng insidente.

Ayon kay former SB Tutaan, ibinahagi nito na nagtungo lamang sila ng kanyang grupo sa naturang lugar partikular sa nasabing simbahan para makipagpulong at magsumite ng proposal.

Makalipas ang ilang minuto, ipinagbigay alam na sa kanya ng mga tao sa labas ng simbahan na mayroong bitak ang bintana ng kanyang sasakyan na hinihinalang binaril.

Ayon sa saksi na body guard ng isang politician, mayroon umano itong nakitang kulay itim na kotse na tumabi sa Pick-up at nakarinig pa ng mahinang tunog o lagitik saka umano mabilis na umalis sa lugar ang naturang sasakyan.

Wala namang naiulat na nawawalang gamit ng dating konsehal bukod sa mga naiwang bubog sa loob ng sasakyan.

Sinabi pa ni Tutaan na wala itong nakaalitan ganun din noong siya’y nanilbihan bilang konsehal ng Ramon na posibleng maging dahilan para siya ay tambangan.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng kapulisan at hinihintay na lamang ang resulta mula sa Forensic Unit kung may presensya ng gun powder sa loob ng sasakyan upang makumpirma kung may nangyaring pamamaril.

Paalala naman ni PMaj. Malab Jr. sa mga gun holders lalo na sa mga walang certificate of authority mula sa Comelec na mangyaring ipasakamay muna sa kanilang himpilan ang kanilang baril para makaiwas sa anumang krimen at makaiwas sa paglabag sa election gun ban. (REY VELASCO)