Home Uncategorized SC: Bank accounts na sabit sa money laundering, sakop ng freeze order

SC: Bank accounts na sabit sa money laundering, sakop ng freeze order

(c) Remate File Photo

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Supreme Court (SC) en banc ang karapatan ng Court of Appeals (CA) na mag-isyu ng freeze order hindi lamang sa mga bank account na direktang pinaghihinalaang sangkot sa money laundering, kundi pati na rin sa mga account na may kaugnayan dito.

Ayon sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Japar B. Dimaampao, kinatigan ng SC ang Section 10 ng Republic Act No. 9160 (Anti-Money Laundering Act o AMLA), na nagpapahintulot sa CA na i-freeze ang mga nauugnay na account kung kasama ito sa aplikasyon at natukoy ang halaga ng pondo na dapat i-freeze.

Nag-ugat ang kaso sa mga kasong katiwalian at plunder laban kay dating Vice President Jejomar Binay at iba pang opisyal kaugnay ng umano’y overpricing ng New Makati City Parking II Building at iba pang iregularidad.

Nilinaw ng Korte Suprema na bagamat hindi eksaktong binanggit sa AMLA ang terminong “related accounts,” sakop ang mga ito sa mas malawak na kahulugan ng “monetary instrument or property related to unlawful activity” sa ilalim ng Section 10.

Ngunit, binigyang-diin ng Korte na kailangang may sapat na basehan o probable cause na ang mga ari-arian ay sangkot sa ilegal na gawain.

Para protektahan ang mga inosenteng account holders, nagtakda ang Korte Suprema ng mga sumusunod na patakaran:

Kailangang maghain ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng freeze order petition sa CA na may detalyadong paglalarawan ng mga kaugnay na bank account.

Dapat makita ng CA ang probable cause na may kinalaman ang mga ari-arian sa ilegal na aktibidad.

Hindi dapat lumampas ang freeze order sa halaga ng pondo o ari-ariang may probable cause na konektado sa ilegal na gawain.

Epektibo ang freeze order sa loob ng 20 araw habang nagsasagawa ng summary hearing ang CA.

Maaaring maghain ng motion to lift freeze order ang sinumang apektado, at kailangang pagdesisyunan ito ng korte bago matapos ang bisa ng freeze order.

Kung walang kasong maihain laban sa may-ari ng naka-freeze na account sa loob ng itinakdang panahon (hindi lalampas sa anim na buwan), awtomatikong kakanselahin ang freeze order.

Pinapayagan pa rin ang may-ari ng account na mag-withdraw ng sapat na halaga para sa pangangailangang pampamilya, bayad sa abogado, at medikal na pangangailangan.

Paliwanag ng Korte, ang money laundering ay kadalasang gumagamit ng komplikadong network ng mga account upang itago o ilipat ang pera, kaya mahalaga ang pag-freeze ng mga kaugnay na account upang maiwasan ang pagtakas ng mga suspek sa imbestigasyon. Teresa Tavares