Home IN PHOTOS SC, CA naalarma sa biglaang bomb threat evacuation drill

SC, CA naalarma sa biglaang bomb threat evacuation drill

MANILA, Philippines – Nasorpresa ang mga tauhan at empleyado ng Korte Suprema at Court of Appeals nang palabasin sila sa kanilang mga opisina dahil sa bomb threat.

Alas-2:45 ng hapon nang isa-isang lumabas ng gusali ng SC at CA ang mga empleyado kung saan ang iba sa kanila ay nagtungo sa Paco Park bilang evacuation ground sa panahon ng may sakuna tulad ng malakas na lindol.

Dumating din sa SC at CA ang mga kapulisan at bomb squad ng Manila Police District (MPD) maging ang K-9 unit ng Philippine Coast Guard (PCG) upang halughugin ang buong gusali ng dalawang korte.

Dahil sa naganap na evacuation, isinara rin ang kahabaan ng Padre Faura Street kaya hindi nakadaan ang mga motorista at nagdulot ng bahagyang pagbagal ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng Taft Avenue.

Kalaunan, napag-alaman na isa lamang pala itong “unannounced fire at bomb threat evacuation drill.”

Hindi rin umano batid maging ang mga rumespondeng mga tauhan mula sa hanay ng MPD at PCG na ito ay drill lamang upang malaman kung gaano sila kahanda sa mga ganitong sitwasyon.

Tanging ang en banc lamang umano ang nakakaalam na ang isang bomb threat ay isang drill lamang.

“The Acting Chief Justice, with the approval of the en banc, conducted an unannounced fire and bomb threat evacuation drill at the Supreme Court and Court of Appeals today, August 29, 2024, at around 2:45pm”, ayon kay Atty. Camille Sue Mae L. Ting, ang tagapagsalita ng Supreme Court.

Pinabalik din ang mga empleyado makalipas lamang ng ilang minutong drill. Jocelyn Tabangcura-Domenden