MANILA, Philippines – Ipinaalala ng Supreme Court sa mga kukuha ng Bar Examination ngayong taon na tiyakin na i-install ang kinakailangan na software bago mag-Agosto 20 para sa digital examinations.
Babala ng Korte Suprema, sakaling hindi mai-install ang Examplify software bago ang August 20 ay magreresulta ng pagkawala o pag-deactivate ng account ng examinee.
Ang digital examination ay bahagi ng Strategic Plan for Judicial Innovations 2022 to 2027 kung saan ay digital platform na ang pagkuha ng Bar mula sa tradisyunal na paraan na pagamit ng ballpen at papel.
Mahigpit din ang tagubilin ng SC sa mga examinees na dapat mayroon hardware specifications ang kanilang mga laptop computer gaya ng Wi-Fi capability, integrated keyboard, functional trackpad, inbuilt display monitor, sapat na baterya at gumagana na chargers.
Ang 2024 Bar exams ay idaraos sa September 8, 11 at 15, 2024. Teresa Tavares