MADALAS, sa gitna ng ingay ng pulitika, bihira tayong makakita ng malinaw na paalala kung ano ang ibig sabihin ng tunay na paglilingkod.
Sa kaso ni dating Finance chief at ngayo’y Executive Secretary Ralph Recto, nakita natin hindi lang ang drama kundi ang leksyong matagal nang nawawala sa ating pampublikong diskurso: ang kahalagahan ng pagsunod sa batas at ang integridad sa paggawa ng tungkulin.
Parang teleserye ang naging daloy ng pangyayari — ginawang kontrabida si Recto na ang tanging “kasalanan” ay sundin ang itinatakda ng batas.
Sa kulturang sanay sa mabilis na sisihan, madali talagang ituro ang implementer kaysa harapin ang mas masalimuot na katotohanan na minsan, may sablay sa mismong disenyo ng batas na ipinapasa. At sa ganitong banggaan ng emosyon at katotohanan, si Recto ang naging convenient na target.
Ngunit dumating ang tunay na plot twist — ang desisyon ng Korte Suprema. Maliwanag ang mensahe nito na walang krimen at pananagutan si Recto dahil malinaw na kumilos siya ‘in good faith’.
Hindi bida-bida si Recto at hindi rin rebelde. Propesyonal. Isang opisyal na ginawa lamang kung ano ang iniaatas ng kanyang tungkulin.
Binibigyang-diin ni Justice Raul Villanueva na ang pagpaparusa sa asawa ni Batangas Governor Vilma Santos ay parang pagpaparusa sa isang taong ginawa lang ang kanyang trabaho.
Mas tumatak pa ang paliwanag ni Justice Ricardo Rosario na hindi maaaring gawing kriminal ang mga taong obligadong sumunod sa batas habang wala pang pinal na deklarasyon na ito’y labag sa Konstitusyon.
At ayon naman kay Justice Samuel Gaerlan, hindi nabubura ng isang void na probisyon ang good faith ng isang opisyal maliban na lamang kung may malinaw na masamang intensyon — na sa kaso ni Recto ay wala.
Ang mas mahalagang punto, si Recto ay hindi nagnakaw. Hindi naglihis ng pondo. Hindi nagsamantala. Ipinatupad lamang niya ang ipinag-utos ng Kongreso. At ang Korte Suprema mismo ang nagpatunay nito.
Sa panahong maraming opisyal ang natutuksong gumalaw ayon sa pulitika at hindi sa batas, ang desisyong ito ay isang panalo para sa propesyonalismo at sa prinsipyo. Ito ay paalala na ang tunay na paglilingkod ay hindi palaging maingay o popular sa halip minsan, tahimik lang, tapat, at matatag na sumusunod sa tama.
At sa huli, iyon ang uri ng mga lider na dapat nating mas pahalagahan.






