Home NATIONWIDE SC ruling sa komersyal na pangingisda sa municipal water, pinalagan ng grupo...

SC ruling sa komersyal na pangingisda sa municipal water, pinalagan ng grupo ng mangingisda

MANILA, Philippines – Nagsagawa ng kilos protesta sa harap ng Korte Suprema ang PANGISDA Pilipinas upang tutuluan ang naging desisyon ng Korte Suprema na nagdedelarang unconstitutional ang probisyon ng Philippine Fisheries Code na nagbabawal ng komersyal na pangingisda sa mga municipal water.

HInaing ng grupo, inaalis ng desisyon ang pagsisikap sa pagpapaunlad ng lokal na industriya ng pangisdaan.

Noong Agosto 19, 2024, kinatigan ng Unang Dibisyon ng Korte Suprema ang desisyon ng Malabon Regional Trial Court hinggil sa petisyon ng Mercidar Fishing Corp. na nagdeklarang unconstitutional ang preferential access ng mga mangingisdang munisipal sa 15-kilometrong munisipal na tubig.

Giit ng PANGISDA Pilipinas, pareho ang itinataguyod ng Department of Agriculture–Bureau of Fisheries at Korte Suprema: ang interes ng mga kapitalista at korporasyon.

Hinaing pa ng grupo ng maliliit na mangingisda , na hinahayaan ang mga kapitalista at korporasyon ang patuloy na pagkamal ng dambuhalang tubo kahit mawasak ang kalikasan at malunod sa dagat ng kahiraoan at gutom ang mga pamilyang umaasa sa likas na yaman ng pangisdaan.

Nais ng grupo na papanagutin ang mga ahensya ng gobyerno na may sabwatan sa mga korporasyon na sanhi ng pagkawasak ng pangisdaan at kalikasan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)