Isang diarrhea outbreak ang nakaapekto sa 45 katao sa Sitio Magum, Barangay Macambol, Mati City, Davao Oriental, na nagbunsod ng agarang aksyon mula sa City Health Office (CHO) at Provincial Health Office.
Sa mga naitalang kaso, 39 ang gumaling na, habang anim ang nananatiling aktibo — dalawa ang naospital at apat ang nasa home monitoring.
Kinilala ng City Epidemiology Surveillance and Response Unit (CESRU) ang acute watery diarrhea bilang pangunahing kondisyon, na hinihinalang dulot ng kontaminadong tubig.
Sa isinagawang pagsusuri ng tubig, natagpuan ang E. coli at coliform bacteria sa ilang pinagkukunan ng tubig.
Ang Sitio Magum 2 ang may pinakamataas na bilang ng kaso (29), at karamihan sa mga apektado ay mga batang may edad 1 hanggang 5 taon. Kabilang sa mga sintomas na naiulat ay ang pagdumi ng malabnaw (98%), pagbabago sa anyo ng dumi (67%), pananakit ng tiyan (56%), lagnat (23%), at pagsusuka (21%).
Pinaghihinalaang dulot ito ng kamakailang pagbabago sa sistema ng distribusyon ng tubig na maaaring nagpasok ng kontaminasyon. Pinayuhan ang mga residente na iwasan ang kasalukuyang sistema ng tubig, gumamit ng alternatibong pinagkukunan, at pakuluan ang inuming tubig.
Plano ng CHO na pagbutihin ang pasilidad ng water treatment at imprastraktura ng sanitasyon, kasabay ng pagpapatupad ng mas mahigpit na hakbang para sa kaligtasan ng inuming tubig. Hinihikayat ng mga opisyal ng kalusugan ang publiko na maging mapagmatyag, magpraktis ng wastong kalinisan, at agad iulat ang anumang sintomas. RNT