Home NATIONWIDE SC sa PCSO, PAGCOR: Pondo para sa PSC ibigay na!

SC sa PCSO, PAGCOR: Pondo para sa PSC ibigay na!

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng Korte Suprema sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na ibigay na sa Philippine Sports Commission (PSC) ang bahagi ng kanilang kita na nakalaan sana para suportahan ang mga atleta ng bansa.

Sa ilalim ng batas na bumuo sa PSC, kukunin ang pondo nito mula sa 5% ng gross income ng PAGCOR at 30% na charity fund ng PCSO na galing sa anim na sweepstakes o lotto draw kada taon pero hindi ito naibigay.

Katwiran ng PAGCOR, ibabawas pa sa 5% ng PSC ang mga buwis, at porsyento ng national government at ng National Power Corporation.

Ayon naman sa PCSO, sa mga sweepstakes draw lang dapat kukunin ang pondo para sa PSC at hindi mula sa mga lotto draw.

Sa desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, inutusan ng Korte ang PAGCOR na ibigay na ang 5% ng gross income nito simula 1993 at ang PCSO naman, 30% charity fund mula sa mga lotto draw nito simula 2006.

Ayon sa desisyon, walang sinasabi sa ilalim ng batas na may ibabawas sa pondo para sa PSC.
Malinaw din na sakop ang mga lotto draw sa pagkukunan ng pondo dahil maituturing itong “lottery.” TERESA TAVARES